DAHIL nakakapag-concentrate sila sa kanilang gawain, mas gusto ng ilang mga manggagawa na mag-work-from-home at nang makaiwas sa mga distraction na dulot ng mga officemate at iba pang mga bagay na nakaaapekto sa productivity sa opisina.
Siyempre, may ilan ding mas gustong magtrabaho sa opisina dahil para sa kanila, mas maraming distraction sa bahay.
Nais kong ilaan ang kolum na ito upang pag-usapan ang mga paraan na maaaring makatulong para sa mga empleyadong nag-aalangang bumalik sa opisina dahil mas produktibo sila sa bahay. Ang iba sa kanila ay nais pa ngang mag-resign, makaiwas lang sa araw-araw na commute at pagharap sa mga challenge na kaakibat ng pagtatrabaho sa isang hiwalay na pisikal na opisina.
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa kamakailan ng Rennselaer Polytechnic Institute, kapag apektado na ang konsentrasyon ng empleyado sa loob ng opisina dahil sa mga distraction, makatutulong umano na i-expose sila sa mga tunog mula sa kalikasan upang manumbalik ang kanilang pokus. Ang mga halimbawa nito ay ang lagaslas ng tubig, tunog ng ulan, at huni ng mga ibon sa gubat.
Makatutulong din sa mga manggagawang office-based kung babaguhin natin ang ating pagtingin sa time management. Panahon na upang basagin ang pagtingin na ang time management ay para lamang mahikayat ang mga empleyadong maging mas produktibo. Ang time management ay maaaring gamitin upang mapasaya, mapasigla at maging mas ganado ang mga manggagawa.
Ayon sa isang propesor ng Management sa Wharton na si Michael Parke, may mga araw na mas naaayong gumamit ng contingency plan, imbes na ang nakasanayang daily work plan. Sa paggawa ng contingency plan, isinasaalang-alang ang mga posibleng abala at pagka-antala na maaaring makaapekto sa gawain. Sa ganitong paraan, puwede tayong makapaghanda kung mangyayari man ito.
(Itutuloy)