(Pagpapatuloy)
MAY mga organisasyon ding nagsasagawa ng tinatawag na one-on-one stay interview, imbes na exit interview, upang malaman ng management ang mga problema bago pa man tuluyang umalis ang empleyado sa opisina. Ang mga tanong na kagaya ng “Ano ang maaaring maging dahilan ng iyong pagre-resign?” ay makakatulong upang mapalabas ang mga isyu habang ito ay hindi pa malaking problema. Puwedeng pag-isipan ang mga solusyon bago ito lumaki.
Makatutulong din kung ikokonsidera ang four-day work week na iminumungkahi ng National Economic Development Authority (NEDA), na suportado rin naman ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ngunit huwag lamang iyan ang ating pag-aralan, dahil maaari rin tayong gumamit ng iba pang tools kagaya ng email moratorium sa off-hours ng mga empleyado, o kaya ay ang tinatawag na “right to disconnect,” o kaya naman ay ilalaan ang mga pinaka-produktibong oras ng iyong manggagawa para sa mga gawaing nangangailangan ng konsentrasyon o mas malalim na pagiisip, kaysa gamitin ang mga oras na ito para sa mga mahahabang meeting o seminar.
Sa mga panahong gaya nito na mas gugustuhin ng mga empleyado na magbitiw kaysa bumalik sa opisina, kailangang pag-isipan nang husto ng mga manager ang istratehiyang gagamitin upang mahikayat na huwag nang umalis ang mga magagaling nilang tauhan.
Pinatunayan na ng ilang mga pag-aaral at pananaliksik na susi ang paghahanap ng paraan upang mapasaya ang mga tao sa trabaho, imbes na mapataas ang kanilang produksiyon. Natural lamang na ang isang manggagawa na masaya ay mas produktibo rin.