KAPAG medyo tumataba tayo, minsan ay nahihirapan tayong magsuot ng mga fit na damit. Inaalala nga naman nating baka mahalata ang itinatago nating bilbil. Kung minsan naman, hindi na natin maisuot ang ating damit o pants dahil nagsipagsikipan na. Ang problema pa, maraming mga tao ang walang panahong mag-ehersisyo o kaya naman ay kinatatamaran ang gawaing ito.
Kapag sobra ang timbang ng isang tao, nagiging dahilan ito ng pagkakaroon ng sakit.
Isa nga naman sa pinoproblema ng marami ang pagkakaroon ng belly fat. Ayon sa isang pananaliksik, ang fat cells na matatagpuan sa subcutaneous at visceral fat ay aktibo kung kaya’t naglalabas ito ng hormones at kemikal na puwedeng makaapekto sa ating organs.
Kaya para matanggal ang belly fats, narito ang mga pagkaing puwedeng kahiligan:
YOGURT, KESO AT GATAS
May mga pagkain din naman na nakatutulong upang mabawasan ang belly fat. At ang mga pagkaing iyan ay ang keso, yogurt at gatas.
Sa isang pag-aaral, lumabas na kapag kumain ka ng tatlong cups ng yogurt sa loob ng 12 linggo ay maaaring mabawasan ang iyong timbang.
Ito ay dahil mayroon linoleic acid ang mga dairy foods na humaharang sa pag-develop ng stomach fats.
Sa mga inaayawan ang milk, may dahilan na kayo para kahiligan ito lalo na kung gusto mong mawala ang belly fat na mayroon ka. Sa ginawang pag-aaral ng University of Alabama sa Birmingham, nakita na ang mga kababaihang umiinom ng gatas at kumakain ng mga pagkaing mayaman sa calcium ay nabawasan ang fats o taba kumpara sa hindi mahilig uminom ng gatas.
Nakatutulong din ang gatas upang mapahimbing ang tulog ng isang tao.
KAHILIGAN ANG BROWN RICE
Isa rin ang brown rice sa nakatutulong upang mabawasan ang timbang ng isang tao. Mainam na palitan ang regular white rice at bread ng brown rice, bulgur wheat, couscous, dark bread at cereal fiber.
Mas mainam ito dahil ang mga pagkaing whole grains at fiber ay mabigat sa tiyan kaya’t hindi ka mapakakain ng marami at madali kang makararamdam ng kabusugan.
UMINOM NG MARAMING TUBIG AT IWASAN ANG SODA
Siguradong mawawala na ang bilbil kung umiinom ka ng maraming tubig. Kung tutuusin, kapag uminom ka ng dalawang basong tubig bago kumain ay maaaring mabawasan ng 7kg ang iyong timbang sa loob ng 12 linggo.
Maganda rin ang pag-inom ng tubig upang hindi ka gaanong maghanap ng pagkain. Kapag hydrated ka nga naman ay mas mabilis kang nabubusog.
Ang pag-inom din ng sapat na tubig sa araw-araw ay mainam at mabuti sa ating katawan dahil nakatutulong itong ilabas ang toxins sa ating loob at mas mabilis ang paghahatid ng pagkain at sustansiya sa iba’t ibang parte ng ating katawan.
Iwasan din ang pag-inom ng alcohol dahil isa ito sa nagiging dahilan kung kaya’t nagkakaroon ng belly fat. Walang nutritional value ang alcohol.
KUMAIN NG FATTY FISH
Isa ring solusyon sa belly fat ang pagkain ng fatty fish. Ang mga pagkain gaya ng mackerel ay mayaman sa protina at good fats na tumutulong upang mabawasan o maalis ang dangerous fats sa katawan kaya mainam ang pagkain nito ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo.
IWASAN ANG PAGKAIN NG MATAMIS
Kung nais mong iwasan ang belly fats, iwasan din ang pagkain ng sobrang matatamis na pagkain. Mas maganda kung kakain ka ng maraming gulay, prutas at whole grains na masustansiya at nakabubusog sa loob ng mas mahabang oras.
Maging maingat tayo sa ating kinakain. Hindi porke’t gusto natin ang isang pagkain ay lalantakan na natin ng kain. Lahat ng sobra ay nakasasama sa ating kalusugan. Kaya hinay-hinay sa pagkain. Hindi nga naman puwedeng kain lang tayo nang kain at hindi natin iniisip ang ating kalusugan. Oo nga’t kaysarap ang kumain, pero matuto rin tayong pigilin ang ating mga sarili. (photos mula sa google) CS SALUD
Comments are closed.