KUNG WALANG TRANSPARENCY, TIYAK MAY KUPIT SA PERA NI MANG JUAN!

ITULOY natin itong Liquidation by Certification — na sabi ay ano raw: Legalized Corruption.

Kailan ba nagsimula itong LC ng House at ng Senate natin?

Noon June 7, 2011, ipinasa ng 19th Congress ng ating mga Honorables ng House of Representatives (HOR) at Senate of the Philippines (SP) ang Concurrent Resolution No. 10 na ito ang sinasabi:

“It allows for certification, duly signed by each Senator and Member of the House of Representatives, that the allocated amounts for their Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) were utilized or expended in the performance of their legislative functions.”

Basta gagawa lang ng isang pinirmahang certification si Cong o si Senador na badyet nila ay ginamit sa MOOE, iyon lang, at wala nang ano mang paliwanag, piryud.

Kasi raw maselan, mabusisi ang trabahoi nila sa paggawa ng mga batas kaya kailangang luwagan sila sa pagtutuos sa gastos nila, at iwasan na ang detalyado, mahirap na trabahong magpakita pa ng mga resibo, mga dahilan at para saan nila inubos ang perang bilyones na ibinigay ng ating lawmakers sa kani-kanilang sarili.

E itong constitutional body na Commission on Audit (COA), ewan at bakit pumayag naman at kinunsinti ang maling sistemang ito na walang resibo sa pagkuwenta o pagtutuos sa paraan ng paggastos ng mga mambabatas.

Basta sinabi sa certification na walang ni isang sentimo na nawaldas, OK na ang COA.
Binitawan na ng COA ang mandato nito na pangalagaan ang pera ng bayan, hindi ba ito ay gross neglect of duty nila, o malaking katamaran o baka ito ay dala ng takot na kung magalit ang HOR at SP, bawasan ang kanilang badyet taon-taon?

o0o

Ang tanong, ito bang liquidation by certification ay batas na pinirmahan ng Pangulo ng Pilipinas, ay hindi po, si Espiker at si Senate Presidente lang ang pumirma at ito ay hindi BATAS ng Pilipinas.
Resolution ito, hindi isang Republic Act, o Presidential Decree o Executive Order ng Pangulo, ito ay sabwatan, ay sorry po, kasunduan lamang po ng bawat bahay ng Kongreso na ‘wag na silang magbigay ng resibo sa taumbayan.

Basta, paniwalaan natin, ginamit, ginastos sa MOOE ang bawat sentimo ng pera ng bayan, at iyon na, basta, basta!

Ang malinaw, hindi ito tulad ng isang batas na may pirma ng Pangulo ng bansa at wala itong lakas o puwersa na tulad ng isang Republic Act!

Itong liquidation by certification ay hindi kabilang sa legal code at hindi maituturing na tama, legal at constitutional, tama po ba, mga judge, mga justices, your Honors of the Supreme Court?
Puwedeng sabihing illegal ito, mali, masagwa, isang sistemang labag sa mabuting pamamahala, maayos na pagsusukli nila sa bayan na nagbibigay sa kanila ng bilyones na pera na ginagastos nila na kahit kapirasong official receipt na inimprenta sa bangketa ay hindi na kailangang ipakita pa sa madlang bayan.

So, kung ibinigay ang pera sa betka, ibinili ng shabu, cocaine, o ibinulsa o talagang ginastos sa kabutihan ng bayan, wala tayong makikitang patunay at patotoo na iyon nga ang nangyari at ginawa nila.

Kahit pa ang intensiyon ng resolution nito ay paluwagin ang trabaho ng mambabatas, hindi ito wasto, walang legalidad sa batas, hindi maipipilit na ipatupad ng korte, wala sa official legal code ng Pilipinas.

Kung sa pampasaherong jeepney, walang prangkisa, certification lang ni Poncio Pilato at ito bang jeepney na colorum pag nahuli ng traffic enforcers, ano ang parusa o penalty, di ba kukumpiskahin ang sasakyan, at pagmumultahin ang operator at driver.

Asan ang sentido kumon natin at hinayaan itong mangyari ng COA na dapat ang trabaho, busisiin, silipin, padaanin sa butas ng karayom ang bawat sentimong hawak ni Honorable.

Kung walang transparency, e ano ang iisipin natin, may korapsiyon, may ninakaw, may ibinulsa!

Kung walang transparency, libre ang mandarambong!

Yes, dahil walang bisa o kapangyarihang tulad ng batas na pirmado ng Pangulo, the concurrent resolution do not carry the same weight as laws of the Republic of the Philippines na nasa Official Gazette.

Meaning piwedeng kuwestiyonin at idaan sa o judicial review, pero wala tayong nababalitaan sa magagaling nating bar topnotchers, de kalibreng abogado ng Integrated Bar of the Philippines, o ng makabayang samahan ng mga abogadong mapagmahal sa mahihirap.

So, pwede, sa hamak nating pagtingin, itong concurrent resolution ay pwedeng dalhin at ipabusisi sa Supreme Court at kung mapatunayang ilegal, maaaring ideklarang unconstitutional.

Teka, puwede ba na magkusa, muto proprio, kahit walang petisyon, tingnan ng SC kung tama ba o legal itong concurrent resolution ng HOR at Senado?

Kasi, sabi, may tinatawag na paghihiwalay sa tatlong makapangyarihang hati ang gobyerno: ang Executive o tagapagpatupad ng batas; ang Legislative na tagagawa ng batas, at ang SC na tagasabi kung ano ba ang tama sa batas.

Puwedeng ikatuwiran ng SC, labas ito sa kanilang kapangyarihan, maliban na may magsampa ng kaso — na walang gumagawa — para rebyuhin kung legal at constitutional ang liquidation by certification ng HOR at ng Senado.

Puwedeng sabihin ng Supreme Court o kontrahin ng Congress na nakikialam ang Korte Suprema sa trabaho nila at ito ay isang isyung politikal at hindi isyung legal.

E, ang COA puwede bang kasuhan ng pagpapabaya sa trabaho at pag-iwas sa pagtupad ng mandatong utos ng constitution na bantayan, pangalagaan ang pera ng taumbayan?

Makabubuti marahil na busisiin ng magagaling na abagado — hey, mga bar topnotchers –ano na, magpakita kayo ng galing at kuwestiyunin ang constitutionality of concurrent resolutions ng ating honoables.

Napakagandang usapin ito na nakataya ay ang dugo at pawis ng bawat taxpayers at madlang pipol.

Kasi po, itong resolution ay kontrang-kontra sa o good governance and transparency of the use of taxpayers money.

This Concurrent Resolution No. 10, ay nakapaghihimagsik sa kalooban kasi, wala na itong respeto sa taumbayan, walang accountability ang mga Public Servants natin.

Kung walang transparency, kung walang resibo, tiyak may kupit sa pera ni Mang Juan!

Good governance requires transparency in the use of public funds, piryud!

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.