Kung yaman ang daan sa ligaya,
Disin sana’y larawan ng saya
Tuwing gumigising sa umaga
Sinumang may makapal na bulsa.
Gayong itong nasa uring gitna
At nasa pinakababang-baba
Ang siya pang may taglay ng tuwang
Tunay at totoong mahiwaga.
Kapangyarihan ang kailangan
Kung gayundin pala ang usapan.
Ngunit bakit dapat pang bantayan
Itong iniluklok na opisyal?
Siya pa itong di makatulog
At kung makanakaw man ng tulog
Ay lagi’t laging balot ng takot
Na normal sa buhay na bangungot.
O baka naman ganda ang lihim
Ng ibang mas mataas sa atin.
Pero ano’t ang daming blind item
Sa nagpatiwakal na beauty queen.
O di kaya’y ang pagiging tanyag
Diumano ang sikretong bukas
Ng isang bigla na lang umangat
At pagkuwa’y agad ding bumagsak.
Ito ang laman ng aking isip —
Nang may isang uod na lumapit.
Nang sa akin ito ay kumapit,
May tumuka nang napakabilis!
Sinundan ko ng tingin ang ibong
Mandaragit noong isang hapong
Ang aming sarili ay hinamon
Sa tulong ng inakyat na burol.