KURYENTENG BALITA LABAN SA MERALCO

MAY mga sariling lenggwahe ang mga peryodista sa ating bansa. Isa na rito ay ang tinatawag na “kuryente”. Ang ibig sabihin nito sa mga peryodista ay kung pumatol sa isang istorya na wala namang batayan o katotohanan.

Napaniwala ang isang mamamahayag sa mga detalye na hindi naman gumawa ng tinatawag na ‘background check’ kung ang ibinigay na impormasyon ay may katotohanan o wala.

Ito ang biruan ng mga peryodista kapag isa sa kanilang kasamahan ay nabiktima ng isang istorya at ibinalita na walang katotohanan. Ang tawag diyan ay “nakuryente”!

Tulad na lang ng ilang mga mambabatas na nagpapalabas ng pahayag laban sa Meralco na wala naman palang katotohanan.

Alam naman natin na ang Meralco, sa ngayon ay nasa kalagitnaan ng paghiling sa Kongreso para sa kanilang panibagong prangkisa. Dapat naman talagang pag-aralan at suriin mabuti ang Meralco kung dapat ba talagang bigyan muli ng prangkisa ng Kongreso. Trabaho naman ito ng mga mambabatas. Subalit kung paninira sa reputasyon ng Meralco na walang basehan ang ginagawa ng ilan sa kanila, napapaisip tuloy ang karamihan sa ating mamamayan kung ano ang tunay na adyenda ng mga ito.

Tulad na lamang ng isang kuryenteng ulat mula sa isang mambabatas na may impormasyon daw na ang Banco de Oro ay may sulat umano na ibinigay sa Kongreso mula sa isang law firm para sa BDO na may mabigat na reklamo daw sila laban sa Meralco.

Ang anggulo agad ng nasabing mambabatas ay kung magagawa raw ito sa isang malaking bangko, tulad ng BDO, ano pa kaya ang mga ilang reklamo ng mga customers ng Meralco sa kanilang serbisyo? Ito raw ay maaaring makaapekto sa kanilang franchise renewal. Huwaw. Ang galing. Parang totoo.

Subalit nung lumabas ang nasabing ‘press release’, agad na pinabulaanan ng BDO ang nasabing reklamo. Nagsumite ng opisyal na liham ang BDO mula sa kanilang chief legal counsel na si Atty. Alvin C. Go na walang pahintulot ang nasabing law firm na Manjares & Manjares upang magbigay ng letter of complaint para sa BDO. Boom! Kuryente #1.

Sumunod naman ang pangalawang kuryenteng press release kahapon kung saan ang magiting na mambabatas ay sinasabi na ang Meralco ay mapagsamantala dahil sa umano’y dagdag sa singil sa kanilang mga customers tuwing magbabayad sila ng tinatawag na online portals.

Ang tawag pa ng magaling na mambabatas ay “nickel and dime” na pamamaraan. Ito ay inihalintulad niya sa tinatawag na ‘convenience fee’ kapag magbabayad ka sa labas ng mga business centers ng Meralco. Huwaw. Parang nag-research mabuti ang mga staff ni Congressman.

Heto ang katotohanan. Ang mga customers na nagbabayad sa Meralco Online website/app sa pamamagitan ng Bayad e-wallet ay walang convenience fee. At ang mga customers ng Meralco na nagbabayad sa pamamagitan ng GCash, Maya, Visa, Mastercard, at JCB Bankcards sa Meralco Online ay mayroong convenience fee. Subalit ito ay napupunta sa nasabing payment partners ng Meralco. Wala ni ‘singkong duling’ na dagdag-singil ang nakukuha ng Meralco dito.

Pangkaraniwan ang ganitong transaction. Siguro naman karamihan sa atin ay may GCash. Kapag gumamit tayo ng GCash para magbayad sa serbisyo ng telepono, tubig, kuryente, load ng cellphone, internet, RFID, atbp., may dagdag singil ito ng GCash. Nagrereklamo ba tayo? Hindi. Dahil alam natin na ito ay isang tinatawag na ‘convenience fee’ na sisingilin nila imbes na pumunta tayo sa mga business centers nila upang magbayad nang direkta.

Dapat yata ang magaling na mambabatas ay kuwestyunin ang tinatawag niyang ‘nickel and dime’ scheme sa mga bangko at iba pang online payment apps. Hello??? Ang tawag dito ay modernong teknolohiya.

At baka hindi alam ng mga staff ng magaling na kongresman na ‘option’ lamang ito. Hindi namimilit ang Meralco o ang mga bangko na gumamit ng online payment.

“Our customers are empowered to use whichever secure payment channel they prefer when settling their electricity bills,” ang sabi ni Meralco Vice President and Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga.

Ayan naman pala eh. Malinaw pa sa liwanag ng Meralco ang katotohanan sa maling balita na ipinakalat ng kongresman.

Kung ako si kongresman, kakausapin ko ang mga staff ko. Kulang sa pagsasaliksik. Huwag sana sila magsubo ng press release sa boss nila na mali, para naman hindi mapahiya. Kuryente #2! Boom!!!