SURIGAO DEL SUR- ILANG araw bago ang paggunita ng ika-53 taong pagkakatatag ng New People’s Army, nakubkuob ng mga sundalo ng AFP 4th Infantry Division ang pinagkukutaan ng mga communist terrorist group sa Marihatag sa lalawigang ito.
Isang rebelde ang napatay at may anim na high powered firearms ang nabawi sa isinagawang military operation ng 75th Infantry Battalion na nasa operational control ng 401st Brigade matapos ang naganap na engkuwentro sa Sitio Montenegren, Brgy San Isidro,sa bayan ng Marihatag.
Ayon sa Philippine Army-75th IB, may 20 NPA terrorists ang nagsasagawa ng panggugulo at pangingikil sa Surigao del Sur area ang kanilang nakasagupa matapos na ituro ng concerned citizens.
Matapos na maberipika ang sumbong hinanap na ng mga sundalo ang pinagkukublihan ng mga mga rebelde at agad na nagkaroon ng engkwentro.
Iniwan ng mga rebelde ang namatay nilang kasamahan na kasalukuyang inaalam pa ang kakikilanlan.
Ayon pa sa ulat, anim na high powered firearms, na kinabibilangan ng dalawang M16 rifles, dalawang AK 47 rifles, isang M653 rifle, at isang M203 grenade launcher ang naiwan ng NPA sa lugar ng engkuwentro.
Bukod pa rito ang 16 tents, pitong backpacks, tatlong commercial radios, isang GPS, Improvised Explosive Device paraphernalias at mga dokumento na may high intelligence value. VERLIN RUIZ