NASAGIP sa kapahamakan ang isang kuwago ng 34-anyos na tricycle driver na si Orly Yabut, may asawa at 2 anak ng Brgy. Ligtong 1 sa bayan ng Rosario, Cavite.
Ayon kay Yabut, ganap na alas-4 ng madaling-araw habang namamasada siya at binabaybay ang kahabaan ng Kalye Marsella sa tapat ng Alfamart Silangan nang makita niya ang kuwago na nasa gitna ng kalsada.
“Laking gulat ko ng makita ko ang kuwago na ‘yan na nasa kalsada. Bigla kong pinireno ang tricycle ko para usisain ito. Nung una, natatakot ako na kuhanin baka kasi manuka. Nagtaka ako kung bakit hindi siya makalipad. Kaya kumuha ako ng basahan at agad kong dinakma,” kuwento ni Yabut.
Posibleng masagasaan ang kuwago at mamatay ito kung hindi ito pinagmalasakitan ng tricycle driver.
May sugat sa kanang pakpak ang naturang kuwago, dahilan kung bakit hindi ito makalipad.
Agad isinurender ang kuwago sa Municipal Enviroment and Natural Resources upang mabigyang lunas ang sugat nito. SID SAMANIEGO