KUWAIT BOUND OFWS, BIGYANG PRIORITY SA TRABAHO- ACT-CIS

NANAWAGAN  ang ACT-CIS Partylist sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na bigyan ng prayoridad ang mga overseas Filipino worker (OFW) na patungo ng Kuwait pero naudlot ang pag-alis matapos pigilan ng naturang bansa ang pagpasok ng mga first time o bagong dating na mga Pinoy doon.

Ayon kay ACT-CIS First Nominee Rep. Edvic Yap, “sila ang dapat unahin natin na makakuha ng mga bagong kontrata pa-ibang bansa kasi marami na sila nagastos sa medical, mga clearance, at pamasahe galing sa kanilang mga probinsiya”.

“Kung pareho lang naman sa Kuwait ang trabaho tapos may opening sa ibang middle eastern country, sila muna siguro ang unahin alokin ng trabaho para ma-offset ang gastusin nila”, paliwanag ni Cong. Yap.

“Ang mahirap diyan, umaasa na ang pamilya nila na makakatulong sila in a month naging bato pa,” pahabol ni Yap.

Kamakailan isinara ng Kuwait ang kanilang bansa sa mga first time OFW dahil daw sa “hindi pagsunod ng Pilipinas sa bilateral agreement,” na itinanggi naman ng Pilipinas.