KUYA TINAGA NG NAKABABATANG KAPATID

itak

ISABELA – DAHIL sa kalasingan, pinagtataga ng kapatid ang kanyang kuya sa Barangay Gappal, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Gerald P. Gamboa, hepe ng Cauayan City Police Station ang nasawi na si Jonathan Galutera, 37, habang ang suspek na kapatid ay si Edmund Galutera, 34, kapwa residente ng nasabing barangay.

Sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, pangalawang araw ng Enero 2020, habang nag-iinuman ang magkapatid kasama ang mga kaibigan at kapitbahay, nang banggitin ni Edmund sa kanyang kuya na sana ay huwag naman niyang pinagagalitan at sinasaktan ang kanyang mga anak na siyang ikinagalit naman ng biktima.

Hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo ang magkapatid, na naawat naman ng kanyang mga kasama sa inuman.

Matapos ang sagutan ng magkapatid ay kumuha ng isang matalas na itak si Edmund at pinagtataga ang biktima na si Jonathan sa kanyang ulo at sa katawan sanhi upang ito ay mamatay.

Nilinaw pa ng suspek na nais lamang niyang pagsabihan ang kanyang kuya matapos na saktan ang anak niyang 14, at 10 taong gulang na suntukin nito na ikinagalit naman ng biktima.

Dinakip ng mga opisyal ng barangay si Edmund at ipinasakamay sa Cauayan City Police Station at inihahanda ang kasong parricide na isasampa laban sa kanya, na lubos namang nagsisisi sa pagpatay sa kanyang kuya. IRENE GONZALES

Comments are closed.