ISABELA- PATAY ang isang laborer makaraang na pagsasaksakin ng nakatatanda nitong kapatid matapos na magkaroon ng mainitang pagtatalo sa Brgy. Annafunan, Echague sa lalawigang ito.
Batay sa report ni Major Rogelio Natividad, chief of police ng Echague Police Station, ang biktima ay nakilalang si Jun Damian, nasa hustong edad, may asawa at isang laborer.
Habang ang suspek naman ay ang nakatatanda nitong kapatid na nakilalang si Felix Damian, 46-anyos na kapwa nakatira sa Brgy. Annafunan, Echague, Isabela.
Nabatid na habang nag-iinuman ang magpipinsan kabilang ang biktima sa dahil sa 40 araw ng pagkamatay ng ama ng magkapatid na Damian.
Nang biglang dumating sa inuman ang nakatatandang Damian at sinubukang sirain ang sasakyan ng yumaong ama dahilan para magtalo silang magkapatid.
Naawat sila ng kanilang mga kamag-anak at umuwi naman ang suspek.
Pagbalik nito ay may dala dala na itong kitchen knife na ginamit para saksakin ang nakababatang kapatid sa dibdib.
Agad namang nadala sa pagamutan ang biktima subalit binawian din ito ng buhay. EVELYN GARCIA