KUYA’S TUHOG SA TAMARAWS SA MPBL

MPBL

NALUSUTAN ng Mindoro-EOG Burlington ang matikas na ratsada ng Bulacan sa krusyal na sandali para maitakas ang 79-72 panalo at angkinin ang maagang liderato sa Pool D ng 2021 Chooks-to-Go MPBL Invitational nitong Martes sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tangan ng Tamaraws ang  66-52 bentahe sa pagsisimula ng final period, ngunit naging maluwag ang depensa ng Mindoro na sinamantala ng Kuya’s, sa pangunguna ni Bryan Faundo para matapyas ang kalamangan ng Mindoro sa apat na puntos, may 4:19 ang nalalabi sa laro.

“Same as our last game, we were up in the third quarter but unfortunately, nakalimutan naming maglaro ng basketball nung fourth quarter,” pahayag ni Mindoro head coach Britt Reroma.

Naging sandigan ng Mindoro ang three-pointer ni Ryusei Koga para maibalik ang wisyo ng  Tamaraws na matikas na nakihamok sa huling hatawan para maibigay sa Mindoro ang ikalawang sunod na panalo.

“But we will still take this as a win. We were playing not to lose in the fourth quarter,” sambit ni Reroma. “We have to work on that. Alam naman natin na ‘yung liga na ito napakaiksi. Every game counts and we need to work on things again.”

Nanguna si Cabanag sa Tamaraws sa naiskor na 15 puntos, habang tumipa si Koga ng 14 puntos, tampok ang apat na three-pointer, at kumana si James Castro ng 13 puntos, anim na rebounds, at apat na assists. Tumipa rin si Alvin Baetiong ng 12 puntos at umiskor si Jeymark Mallari ng 10 puntos.

Laglag ang Bulacan sa  0-2 record sa torneo na may basbas ng Games and Amusements Board (GAB).

Ratsada si Faundo sa Bulacan na may 22 puntos mula sa 7-of-11 shooting at 12  rebounds.

Sunod na haharapin ng Mindoro ang Imus sa Huwebes, alas-2:30 ng hapon habang magtutuos ang Bulacan at Rizal sa alas-7:30 ng gabi.

Nitong Lunes ng gabi, pinasadsad ng Marikina ang Laguna-Krah Asia, 79-73, para sa unang panalo, habang pinataob ng  San Juan-Go for Gold AICC ang  Sarangani, 91-72, at nanaig ang Pasig-Sta. Lucia sa Iloilo,  90-69.  EDWIN ROLLON

Iskor:

Mindoro EOG Burlington (79) – Cabanag 15, Koga 14, Castro 13, Baetiong 12, Mallari 10, Mariano 6, Cosejo 5, Liwag 4, Villapando 0, Matias 0, Caldozo 0, Saldana 0.

Bulacan (72) – Faundo (22), Martinez 15, Hoyohoy 9, Caspe 7, Inigo 6, Escosio 4, Dela Cruz 3, Neypes 3, Arim 3, Marquez 0, Bacay 0.

QS: 16-20, 35-37, 66-52, 79-72