KWALIPIKASYON SA MGA OPISYAL SA GOBYERNO

MALINAW  na sa mga posisyon sa trabaho, mahalaga na may kaakibat na kwalipikasyon na kailangan sa nasabing posisyon. Kaya nga sa antas ng kolehiyo o sa paglilingkod sa ating bayan, mahalaga ang kurso na tinapos sa pag-aaral.

Kaya nga may iba’t ibang kurso sa kolehiyo. Kung nais mong maging inhinyero, papasok ka sa kurso ng engineering. Kung nais mo naman na pumasok sa industriya ng media, nandyan ang kurso ng Mass Communication o Journalism. Kung negosyo naman ang pangarap mo, nandyan ang Commerce, Business Administration o kaya naman Economics.

Sa larangan ng agrikultura, may kurso rin ang angkop dito. Pati sa pagdisenyo ng bahay o gusali, nandyan ang Architecture o Interior Design. Sa edukasyon at musika, may kurso rin sa kolehiyo na tutugon dito. Dagdag pa natin ang dentistry, nursing o doktor. Kung nais mong maging abogado, nandyan ang College of Law.

Meron na din kurso na Computer Science na magtuturo sa ating mga kabataan tungkol sa lumalaking industriya ng digital computer. Nandyan din ang Criminology at Military Academy sa mga kababayan natin nais maging sundalo o pulis.

Sinasabi ko ito dahil sa mainit na balita na ang dating Philippine National Police chief (PNP) na si Ret. Gen. Camilo Cascolan ay itinalagang bilang bagong undersecretary ng Department of Health (DoH).

Palagay ko, hindi lamang ako ang napaisip sa balitang ito.

Kung hindi ako nagkakamali, naging tradisyon sa DoH na ang mga matataas na opisyal sa nasabing ahensya ay dapat na may background sa medical field. Ang pinalitan ni Cascolan ay si Usec. Roger Tong-an na nagtapos ng nursing sa Baguio General Hospital School of Nursing.

Huwag na tayo magplastikan. Palagay ko lahat tayo ay nagtataka kung bakit isang heneral ay naitala sa DoH. Marahil ay magtataka rin tayo kung nagkaroon ng sitwasyon na na-appoint sa Department of Justice ay tulad ni Tong-an na nagtapos ng nursing bilang undersecretary nito. Hindi ba dapat ay may background sa law o kaya naman ay abogado ang mga naglilingkod bilang mataas na opisyal sa DoJ?

Ano ba ang nangyayari ngayon sa selection committee ng Malakanyang? Nagtatanong lang po. Dati kasi ay marami ang nakakapuna sa mabagal na paglabas ng mga appointments ni PBBM. Naisulat ko na ito dati. Ang paliwanag ay talagang sinasala raw nila ang lahat na mga kandidato sa mga nasabing posisyon.

Eh bakit napasok ang isang retired general sa DoH?

Dagdag pa rito ay wala pa rin itinalagang secretary ng DoH? Haller?

Sa pagtalaga naman ni former Armed Forces of the Philippines (AFP) chief-of staff Ret. Gen Gregorio Catapang bilang OIC ng Bureau of Corrections (BuCor), palagay ko ay kwalipikado siya sa nasabing posisyon. Ang kanyang military background at pagtatapos sa Philippine Military Academy ay maaaring magamit sa pamamalakad at operasyon sa BuCor. Malawak at malalim ang karanasan ni Catapang laban sa mga NPA at mga rebeldeng muslim sa Mindanao.

Si Ret. Gen. Cascolan naman ay makakasama sa hanay ng mga DoH Undersecretaries sina Dr. Lilibeth David (MD), Carolina Vidal-Taiño (CPA), Dr. Abdullah Dumama (MD), Dr. Kenneth Ronquillo (MD), Dr.Nestor Santiago (MD) at Dr. Maria Francia Laxamana (MD).

Ang Alliance of Health Workers (AHW) ay umalma. “Cascolan’s appointment is a huge insult to our health experts, who are most qualified to administer and run the affairs of the DOH. Health workers want to work with a health undersecretary, who is an expert in eradicating deadly and infectious diseases, not an expert in violating human rights and extrajudicial killings.”

Pinagbatayan ng AHW ang papel na ginampanan ni Cascolan noong panahon ng Duterte administration sa “Oplan Tokhang”. Bagamat hindi ako masyadong sang ayon sa sinabi ng AWH tungkol sa kanilang pagsangkot ni Cascolan sa extra judicial killings at pagbabalewala sa karapatan pantao, hindi ko lang talaga maisip kung ano ang maitutulong ni Cascolan sa DoH sa mga kaalaman niya sa kapulisan.

Ganun pa man palalawakin ko pa rin ang pag- intindi sa pagpili ni PBBM sa kanyang mga itinalaga sa kanyang administrasyon. Inuulit ko muli, tulad ng mga gamot at pagkain…may expiration date ang mga ito. Sana ay hindi mabawasan ang mahigit na 31 million na mga Pilipino na naniniwala kay PBBM na maganda ang kanyang pamamalakad ng ating bansa.