SI Kyline Alcantara ay binansagan ng titulong “nueva contravida” nang pumasok siya sa bakuran ng Kapuso Network, mula sa pagiging isang Kapamilya. Naging second lead agad siya sa “Kambal Karibal” na pinagbibidahan nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix, at kasama ring ipinakilala bilang Kapuso ang baguhan din na si Pauline Mendoza.
Pero sa pagpapalabas ng naturang teleserye, si Kyline ang laging napag-uusapan at tila napag-iiwanan na sa ere si Bianca. Dumating pa nga sa time na pinag-aaway na ang dalawa dahil sa pisikalan na naganap sa mga fight scene nilang dalawa.
Mariin naman itong pinabulaanan nina Kyline at Bianca sa pagsasabing magkaibigan silang dalawa at walang personalan sa fight scenes na ginawa nila. Ngayon ay may bago nang gagawing teleserye si Kyline at ang magandang balita nito ay siya na ang bida at ang magiging kontrabida naman niya ay si Therese Malvar, isa sa award-winning young actress ng dekada.
May katapat na raw si Kyline pagdating sa aktingan. Kung matatandaan ay sa galing umakting ni Kyline kaya napansin siya ng husto sa “Kambal Karibal”. Mas challenging ngayon ang role ni Kyline sa “Inagaw Na Bituin” dahilan sa hindi lang siya aarte rito, kakanta. Role kasi ni Kyline dito ay isang anak ng sikat na artista na ‘ninakaw’ at pinalaki ng hindi niya kadugo. Pero dahilan sa pagiging singer at artista ng kanyang tunay na ina ay namana ito ni Kyline at ginagawa niya ang lahat para makapasok sa mundo ng entertainment.
Sa ganda ng istorya marami ang nagsasabing malamang ay tuluyan nang maungusan ni Kyline si Bianca?
Ayon naman kay Kyline, walang kompetisyon sa pagitan nila ng kaibigan. Happy sila kapwa sa nararating ng isa’t isa. Ika nga nauna naman na si Bianca, its about time na rin para kay Kyline to shine, e saan naman ngayon napunta si Pauline na kasama rin nila sa “Kambal Karibal”?
MAUREEN WROBLEWITZ DEHADO KAY SARAH LAHBATI
SA pagkawala ni Sarah Lahbati sa “Eat Bulaga” sari-saring ispekulasyon ang naglabasan sa tunay na dahilan kung bakit ito nawala na bilang guest host ng EB at hindi naging regular gayung dumarami na rin ang naaaliw at nababaliw sa estilo ng pagho-host ni Sarah.
May nagsasabing talagang guest co-host lang si Sarah hanggang sa pagbabalik nina Ryan Agoncillo at Luanne Dy sa naturang programa at nabigyan lang ng extension ng isang linggo si Sarah. May nagsasabing Kapamilya na kasi si Sarah at umalis na sa Kapuso.
Sa kabila ng negang tsika ay may positibong komento naman na natatanggap si Sarah. Marami rin kasi ang nagsasabing mas higit na magaling pa raw mag-host si Sarah kaysa kay Maureen Wroblewitz na kasabayan din halos ni Sarah na maging co-host sa ‘Eat Bulaga’ pero naalis na si Sarah tuloy pa rin ang byuti ni Maureen sa EB.