L. A. MOTO MULA SA PUHUNANG P5K

Likas na utak negosyante si Mardavey Carcillar kahit noong bata pa. Ikatlo sa apat na magkakapatid, marahil ay siya ang hindi gaanong nabibigyan ng pansin ng kanyang mga magulang dahil basketball lang ang hilig niya at magtinda ng kung anu-ano. Hindi siya nahihiyang tumulong sa kanyang ina sa paglalako ng isda sa mga kapitbahay upang matulungan ang kanilang amang isang bus driver, dahil nahihirapan na ito sa sabay-sabay na pagpapaaral sa kanilang lahat, na dalawa na ang nagkokolehiyo.

Computer technolo­gy lamang ang kanyang tinapos — isang two-year course vocational, ngunit siner­yoso niya ito ng husto kaya naging napakahusay niya sa kanyang larangan. Katunayan, tinanggap siya kaagad ng Toyota Company, na unang kumpanyang kanyang pinag-aplayan para magtrabaho, noong 2011. Nagtagal siya dito ng maraming taon, hanggang sa magpasiya siyang mag-resign noong 2022 para matutukan ang itinatag niyang sariling kum­panya, ang L. A. Moto Corp.

Taong 2018 nang maisipan niyang magtayo ng negosyo. May pamilya na kasi siya at isang anak. Tingin niya ay hindi na sapat ang kanyang kinikita. Kaya mula sa kanyang 13th month pay noong Christmas 2017, bumawas siya ng halagang P5000 para makapagsimula. Ginamit niya ang pera sa pagbili ng mga helmet, at doon na nagsimula ang negosyong L.A.Moto.

Hindi madaling magsimula ngunit nagawa niya. Mula sa P5000 capital, milyon na rin ngayon ang kinikita ng apat na branches niya, kung saan ang main store ay sa Santa Rosa, Laguna at ang iba pang branches ay sa Valenzuela City, Calamba, at Lipa City. Syempre pa, ang mga managers ng bawat store ay ang kanyang mga kapatid na sina Diane, Marco at Peter.

May isang taon na ngayon, nagpaalam na siya sa Toyota para maging Chairman at CEO ng sarili niyang kumpanya. Overall Finance Mana­ger naman ang kanyang asawang si Harlene, at pati ang kanyang ama at ina na dapat ay reterado na ay nabigyan niya ng dignidad para kumita ng sarili nilang pera. Natural lamang na magaang trabaho ang ibinigay niya kina Rosita at Hannibal, ang kanyang ina at ama, ngunit mas malaki pa ang sweldo nila kesa karaniwang empleyado.

Gusto raw kasi niyang hindi maramdaman ng kanyang mga magulang na binibigyan na lamang sila ng kanilang mga anak. Kung tutuusin raw ay pwede namang bigyan na nga lamang niya ng allowance ang mga ito, ngunit kilala niya ang kanyang mga magulang. Mas gusto nilang kumikita ng sarili nilang pera kaya pinagbibigyan niya ang mga ito.

Ang tagumpay ni Mardavey ay patunay na basta madiskarte ka, kahit wala kang gaanong pera, ay maaari kang yumaman. Malay natin, baka isa na namang Henry Sy ang isinilang sa katauhan ni Mardavey?

RLVN