By Jayzl V. Nebre
Kapag sinabing “opera”, nasa isip natin agad ang isang malaking teatro na may libo-libong mga manonood. Kung hindi gaanong kalakihan ang pera mong pambili ng ticket, doon ka sa likod at kailangan mo pa ng largavista para makakita kung ano ang nangyayari sa mga tauhan ng entblado.
Kung hindi ka pa nakakapanood ng opera sa buong buhay mo, marahil ang naiisip mo ay yung mga pagkakataong kumakanta sina Sylvia la Torrre o si Beverly Salviejo (kung kilala mo pa sila). Sa totoo lang, kahit di mo alam, nakapakinig ka na ng opera dahil malimit itong gamitin bilang mga background music sa mga patalastas at mga pelikula.
Isa na siguro sa pinakasikat na opera sa kasaysayan ang “La Bohème” na isinulat ni Giaccomo Puccini noong 1895.
Hango sa maikling kwentong isinulat ni Henri Muger noong 1851, tungkol ito ng mga taong namumuhay ayon sa “la vie bohème” na mga musikero, manunulat, pilosopo at iba pang propesyon na hindi kumikita ng sapat.
Ayon kay Nomher Neval, ang gumaganap na Rodolfo sa kasalukuyang produksyon ng VIVA VOCE Voice Labs, ang opera, lalo na ang mga katulad ng La Bohème ay tumatalakay sa buhay ng mga karaniwang tao. Kahit ang produksiyon ng VIVA VOCE Voice Labs ay “intimate production” lamang o sa maliit na kwarto lamang ginanap na halos maaari mo nang hawakan ang mga mismong aktor, napakaganda pa rin ng naging resulta.
Para kay La Bohème Director Nelsito Gomez, kakaibang karanasan ito para sa mga manonood. Hindi nakikipaglaban ang mga mang-aawit sa full orchesta kaya mas nabibigyan nila ng emosyon ang kanta.
Dahil sobrang malapit ang ng mga aktor sa mga manonood, damang dama ang kanilang emosyon.
Kinabahan naman si Carlo Angelo Falcis, ang gumaganap na Marcelo dahil kahit hindi niya nakikita ang mga tao habang umaarte, alam niyang kitang kita ng mga ito ang bawat galaw niya.
Dagdag naman ni Gomez, malaking bagay na naibaba nila ang presyo ng ticket na malayong-malayo sa presyo ng mga pagtatanghal sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Nagkaroon kasi ng pagkakataon ang mga taong subuking panoorin ang opera. Ang nakakatuwa pa umano ay maraming kabataan ang nakita nita sa audience.
Nangangahulugan itong nabubuksan na ang isipan ng kabataan sa teatro. Salamat na rin umano sa mga makabagong teknolohiya, at madali na tayong nakakapakinig ng musika ng opera.
Mapapanood ang La Bohème sa Mirror Studio Theatre sa Kalayaan Avenue sa Poblacion hanggang sa ika-5 ng Mayo 2023. Maaaring makipag-uganayan kay Anna Migallos para sa tikets. Photos by Viva Voce & Jayzl V. Nebre