LA NIÑA NA BA?

IPINAGPALAGAY na pumapa­sok na sa La Niña mode ang Pilipinas kasunod ng epekto ng Bagyong Kristine.

Sa record, nang manalasa ang Bagyong Kristine, nasa tropical depression category lamang ito noong Martes at nagdulot na ng malawakang pagbaha at pagguho kasama na ang lahar flow sa Guinobatan, Albay.

Ang Bicol region ang dumanas ng malawak na pagbaha habang unang isinailalim sa state of calamity ang Albay, Bulan, Sorsogon; Camarines Norte, Tagkawayan, Quezon, Magpet, Cotabato at nitong Huwebes ng gabi ay ang Cavite.

Habang nitong October 24, sa kasagsagan ng bagyo ay itinaas ito sa Severe Tropical Storm, at namataan ang pagbuo ng LPA  na kinalaunan ay nabuo bilang panibagong bagyo na may international name na Kongrey.

Hanggang kahapon, 46 na ang nasawi kay ‘Kristine’,  ayon sa Office of the Civil Defense,  kahit hindi naman sumampa sa super typhoon ang bagyo.

Paliwanag naman ni PAGASA Administrator Nathaniel Ser­vando, ang malawak na pagbaha, malakas na hangin at walang tigil na pag-ulan ay indikasyon na umiiral na ang La Niña.

Ang La Niña phenomenon na kabaligtaran ng El Nino ay ang patuloy na pag-ulan na nag­reresulta sa malawak na pagbaha.