LA SALLE, FEU SWAK SA SSL SEMIS

UMABANTE ang Far Eastern University sa Final Four makaraang humabol mula sa one-set deficit at sibakin ang College of Saint Benilde, 21-25, 25-20, 25-17, 25-17, sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship quarterfinals nitong Linggo sa Rizal Memorial Coliseum.

Kasunod nito ay dinispatsa ng De La Salle ang archrival Ateneo de Manila, 25-18, 25-20, 20-25, 20-25, 17-15, upang samahan ang FEU sa susunod na round.

Nagbuhos si La Salle middle blocker Amy Provido, napiling best player of the game, ng 13 points — 7 attacks, 3 blocks at 3 aces.

Ang twice-to-beat Lady Tamaraws ay nangibabaw sa sumunod na tatlong frames sa likod ng stellar outings mula kina veterans Chenie Tagaod, Alyzza Devosora at Gerzel Petallo matapo ang malamig na simula upang manatiling walang talo sa pitong laro papasok sa knockout semifinal.

Sinamantala ng FEU ang 30 errors ng Lady Blazers upang kunin ang ikalawang sunod na semis appearance matapos ang third place finish noong nakaraang taon sa centerpiece tournament ng liga.

Umiskor sina Devosora at Tagaod ng tig-15 points kung saan ang parehong main gunners ay bumanat ng tig-14 attacks para sa Lady Tamaraws, ang runners-up sa 2024 National Invitationals. Nagdagdag si Petallo ng 10 points habang nagtala si Clarisse Loresco ng 6 markers.

Si Tagaod ay naging instrumento sa third set, humataw ng timely hits upang suportahan sina Devosora at Loresco at lumayo ang FEU sa kalagitnaan ng frame at hindi na lumingon pa.

Kinamada ng wing spiker ang finishing blow upang tapusin ang one-hour, 53-minute encounter at selyuhan ang kanyang best scoring performance sa torneo.

“I think makakatulong siya knowing na papasok na kami sa semifinals so kailangan talagang trabahuhin and mas maging consistent pa,” sabi ni Tagaod.

Naghahanda ang FEU para sa mabigat na laban sa semis na nakatakda sa Miyerkoles kontra three-peat-seeking at National Invitationals championship tormentor National University o University of the Philippines.

Ang Lady Bulldogs at Fighting Maroons ay naglalaro pa hanggang press time.

“Kailangan naming gawin is magtrabaho pa rin and gawin ‘yung mga sinasabi ng mga coaches. Maging consistent pa and magtiwala lang sa mga kasama,” dagdag ni Tagaod.

Nalasap ng Saint Benilde ang ika-4 na sunod na kabiguan at nalagay sa classification round ng kumpetisyon.

Magsisimula ang classification para sa fifth hanggang eighth sa Biyernes.

Nanguna si Rhea Densing para sa Lady Blazers na may 14 points, pawang mula sa atake, habang nag-ambag sina Clydel Catarig at Wielyn Estoque ng tig-7.