Mga laro sa Miyerkoles:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – UST vs UP (Men)
12 noon – Ateneo vs AdU (Men)
2 p.m. – UST vs UP (Women)
4 p.m. – Ateneo vs AdU (Women)
IPINAKITA ng National University ang kanilang kahandaan sa pinakaaabangang Finals rematch sa La Salle sa 25-13, 25-19, 25-16 pagbasura sa University of the East sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.
Ang lahat ng 12 regular rotation players na ipinasok ni coach Norman Miguel ay umiskor ng 2 points o higit pa at nahila ng Lady Bulldogs ang kanilang winning run sa lima papasok sa kanilang Saturday showdown sa back-to-back title seeking Lady Spikers.
“Masaya kami kasi nagko-continue yung winning streak tapos na-field in lahat ng mga players namin and then nag-perform at nag-contribute ng points,” sabi ni Miguel.
Sa isa pang laro ay tumabla ang La Salle sa NU sa ikalawang puwesto sa 5-1 kasunod ng 25-15, 25-17, 25-18 pagdispatsa sa University of the Philippines.
Natutuwa si dating MVP Bella Belen, na nagtala ng solid all-around outing na 11 points, 10 digs at 5 receptions, na makita na naglaro ang Lady Bulldogs bilang isang koponan sa one-hour, 22-minute match.
“We’re really happy kasi nakita po namin lahat kayang magcontribute sa team and yung team naman po kasi namin, we’re not building a star player, gusto namin lahat kami paangat, gusto namin wala pong maiiwan,” sabi ni Belen.
Nakakolekta si Vange Alinsug ng 9 points habang naitala ni Nigeria’s Aishat Bello ang tatlo sa anim na blocks ng NU upang tumapos na may 7 points.
Kumamada si Alyssa Solomon ng 4-of-7 spikes para sa five-point outing bago inilabas sa huling dalawang sets habang nagtala rin sina Kaye Bombita at Arah Panique ng tig-5 points.
Nanguna si Casiey Dongallo para sa UE na may 11 points, habang nag-ambag sina Riza Nogales at Khy Cepada ng 6 at 5 points, ayon sa pagkakasunod.
Nahulog ang Lady Warriors sa 1-5.
Umaasa si reigning MVP Angel Canino, na nagtala ng 16 points, 7 digs at 4 receptions, na magkaroon na ng koneksiyon ang La Salle sa kanilang first round finale.
“I think ‘yung skills namin nandiyan na po. ‘Yung kulang na lang po talaga ay ‘yung connection saka ‘yung communication namin inside kasi everything was given to us already so I think ‘yun po talaga ang kailangan namin i-work on pa,” ani Canino.
Nanatiling walang panalo ang Fighting Maroons sa limang laro.