LABAG SA ‘ACT OF CONGRESS’ (Towercos duopoly ‘di namin palulusutin – solons)

CELL SITE

TINIYAK ng mga lider ng Kamara na hindi nila palulusutin ang isinusulong ni Presidential Adviser on ICT Ramon Jacinto na limitahan sa dalawa ang bilang ng independent at private companies na papayagang magtayo ng cell site towers sa bansa.

“Iyong gusto na dalawa lang (towercos), dadaan din ‘yan sa Kongreso, pero most probably hindi papayagan ‘yan kasi mas mabilis kung everybody can put up (common tower) saka mabigyan pa ang taumbayan ng livelihood o trabaho at mapagkakakitaan,” wika ni Deputy Speaker at 1st Dist. Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay.

Pinaalalahanan din ni Pichay ang mga nasa likod ng ‘duopoly’ ng private cell site tower providers na nakapaloob sa congressional franchise na ipinagkaloob sa mga umiiral na telcos ang pagkakaroon nila ng karapatan na magtayo at mag-operate ng sarili nilang line towers, at lalabag sa Congressional Enactment ang anumang memorandum circular mula sa DICT at NTC na nag-aalis sa karapatang ito.

“The more the merrier, the more the better kasi magkakaroon ng competition. Kung gusto nila dalawa lang, ang ibig sabihin magkakaroon ng collusion ‘yan. Hindi naman kailangang dalawa lang, dapat i-open ‘yan,” dugtong pa ng ranking house leader.

Tinawag naman ni dating  House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman at incumbent 2nd Dist. Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na ‘stupid idea’ ang towercos duopoly proposal.

“That will not prosper…for me, kalokohan lang ‘yan kung ganoon. I don’t agree with that plan, for me it is a stupid proposal. Iyon kasi ang mahirap, kung ano-ano ang pumapasok sa isipan natin.” ang galit na tugon ni Pimentel nang hingan ng reaksiyon hinggil sa towercos duopoly na niluluto ni Jacinto at ng DICT.

“Kung maglagay ng common tower, eh ‘di another layer na naman ‘yon. Kung sinuman ang nagplano niyan ay malaking kalokohan ‘yan.” pagigiit pa ng Surigao del Sur lawmaker.

Dagdag ni Pimentel, nauunawaan niya ang posisyon ng dalawang local telecommunication companies sa pagtutol sa isinusulong na common tower policy dahil magiging dagdag na gastos lamang ito sa kanilang operasyon at sa bandang huli ay sisingilin lang din sa mobile phone users.

Nauna na ring inalmahan ng tinaguriang ‘Makabayan bloc’ sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang towercos duopoly.

Ayon kay Anakpawis party­list Rep. Ariel Casilao, makagagawa lamang ng kamalian ang pamahalaan kapag ipinagpilitan ang naturang plano.

Aniya, ang paniniwala ng kanilang grupo sa Kamara ay dapat na ang mismong pamahalaan na ang mamahala sa pagpapatayo ng telecom tower or mobile and internet cell sites at operasyon nito sa halip na ipa­ubaya sa panibagong pribadong kompanya.

Giit ng mambabatas, duda sila na mapapabuti ang serbisyo ng telekomunikasyon sa bansa kung ibibigay sa panibagong independent private company ang pagmamay-ari o operasyon ng cell sites sa halip na sa mismong telcos, gaya ng iginigiit ng DICT kung kaya isinusulong nito ang naturang bagong polisiya.

Maging ang lider ng minority bloc sa Kamara ay nagpahayag na rin ng pagtutol sa  pag-aalis sa mga local telecom company ng responsibilidad na magtayo at mag-operate ng sarili nilang ‘cell sites’.

“I think it’s not fair,” ang mariing tugon ni House Minority Leader at Quezon province Rep. Danilo Suarez.

“I don’t care (kung sino pa ang napu-push), but that’s not fair. Alam mo, pagkakaperahan lang ‘yan, hindi pupuwede ‘yan,” dagdag pa niya.  ROMER BUTUYAN

Comments are closed.