LABAN-BAWI SA TERM EXTENSION NG MGA KONGRESISTA

MASAlamin

KAHIT sinasabing inendorso na ni Presidente Rodrigo Duterte ang 15/21 term-sharing sa pagitan nina Taguig Rep. Alan Peter Ca­yetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco, hindi masisiguro na ito ang mangyayari sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagbubukas ng 18th Congress sa July 22.

Sa isang text ni Davao City Rep. Paolo Duterte sa mga reporter kamakailan lang, nagtataka siya kung bakit pinaghahati-hatian na agad ang mga komite gayong hindi pa naihahalal ang speaker.

“May election pa sa July 22 at doon ako mas interesado kung sino ang manalo. Kasi may bali balita, may isa pa sa tatlo na balak mag-coup d’etat on the day. Mukhang hindi pa tapos ang laban para sa kanilang tatlo at sa mga backers,” ang kaputol ng text ni Pulong.

Nagsalita rin ma­ging ang alter ego ni Digong na si Presidential Spokesman Salvador Panelo. Ayon sa kanya, ang mga kongresista pa rin daw ang mag­dedesisyon sa kung sino ang kanilang magiging speaker dahil nagbigay lang naman daw ng suggestion ang Pangulo nang lapitan ito ng ilang aspirante sa posisyon.

Ito marahil ang isa sa maraming dahilan kung bakit hindi magkandaugaga si Cayetano sa panliligaw sa kanyang mga kasamahang mambabatas. Nito lang huli, ipinalutang niya sa kanila ang term extension.

Sa kanyang propo­sal, gusto niyang maging 4 years/no term limit o 5 years/3-term limit na ang panunungkulan ng mga kongresista kaya tuloy natakam ang marami sa kanila.

Pero ang taumbayan ba ang makikinabang sa panukalang ito? Para kay Senator Ping Lacson, mali agad ang pagsisimula ni Cayetano kung ito ang magiging speaker sa bagong Kongreso. Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Lacson na ang suggestion ni Cayetano ay isang pa­raan ng pagwalis sa charter change sa ilalim ng 18th Congress. “I would say, country first before self-interest,” dagdag ng senador.

Hindi rin kumagat ang Palasyo sa term extension para sa mga solon. Ani Panelo, kaila­ngan munang kunin ang public sentiment bago gawin ito.

Ngayong nabaril, laban-bawi na agad si Cayetano sa kanyang panukala. Paano na ang naipangako niya sa mga kongresistang magde­desisyon sa kung sino ang kanilang magiging speaker? At media na ang sinisisi niya dahil hindi raw accurate mag-report. ‘Di ba katawa-tawa?