PATULOY na dumarami ang mga advocacy group sa bansa. Kanya-kanyang adbokasiya ang mga ito. Mayroong mga nagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa, kababaihan, at iba pa. Napakarami nila pero marami rin sa kanila ang itinatag para sa mga pansariling intensiyon ng ilang makapangyarihang tao/grupo/kompanya sa bansa. Kung ganoon, paano nga ba natin masusuri kung alin ang trapo sa hindi?
Isa ang Laban Konsyumer, Inc. (LKI) sa mga grupong aking pinagkakatiwalaan dahil mula pa man noong itatag ito, naging matapat na sila sa kanilang adbokasiyang ipaglaban ang karapatan ng mga konsyumer at itaguyod ang mga bagay na makabubuti para sa mga ito. Wala silang sinisino – gobyerno man ‘yan, malaking kompanya, o personalidad. Ilan sa mga isyung kanilang aktibong binabantayan sa kasalukuyan ay ang isyu ng pagtaas ng presyo ng bigas, pagtaas ng pamasahe, at presyo ng koryente.
Napabalitang nakipagpulong si LKI President Atty. Victorio Mario A. Dimagiba kay Energy Regulatory Commission (ERC) Chair Agnes Devanadera noong Lunes, ika-22 ng Oktubre ukol sa posisyon ng LKI sa usapin ng Feed-in-Tariff Allowance (FIT-All). Sa mga hindi nakaaalam, ang FIT-All ay isang uri ng charge na pumapasok sa ating buwanang bayarin sa koryente na napupunta sa mga kompanyang nagsu-supply ng renewable energy bilang insentibo sa kanila ng gobyerno.
Sa paniniwala ng LKI, nakadaragdag lamang ito sa presyo ng ating mga konsyumer. Binabayaran kasi natin ito sa kabila ng posibilidad na hindi naman tayo talagang nakikinabang dito. Mula nang ilunsad ang FIT-All noong 2015, napakalaki na ng itinaas nito. Mula kasi sa 4-c/kwh, ito ay kasalukuyang nasa 25-c/kwh na. Hindi lang doble o triple ang itinaas ng charge na ito. Ang tila ba mas nakapagpabagabag ay mayroon pang nakabimbin na petisyon para sa panibago na namang pagtaas.
Iminungkahing muli at binigyang-diin ni Dimagiba ang kanyang isyu sa FIT-All.
Aniya, ang FIT-All ay isyu ng inflation at ng kapakanan ng mga konsyumer. Kung pagbabatayan daw kasi ang report ng Meralco, mas bumaba pa nga ang presyo ng koryente ngayong taon kumpara sa presyo noong 2012 at tanging ang Universal Charge at FIT-All lamang ang nagpapakita ng pagtaas ng singil. Ibig sabihin nito, may kakayahan ang ERC na tulungan ang gobyerno sa pag-manage ng isyu ng inflation. Napakahusay ng punto ng grupong LKI dahil ang ERC ang siyang nag-aapruba ng mga petisyon ng taas-singil ng FIT-All.
Nawa’y makinig ang ERC sa panawagang ito ng LKI dahil sa totoo lang, hindi naman talaga makatarungan ang presyo ng mga produkto at serbisyo ngayong mga panahong ito.
Kaya kung may pagkakataon naman at kung may paraan naman pala ang mga sangay ng gobyerno upang maibsan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ngayon, kasama na ang koryente, aba’y dapat umaksiyon alinsunod dito. Bilang tagapangalaga ng karapatan ng mga konsyumer ng koryente, dapat ay aksiyunan ito ng ERC.