SA pagbabalik ng sports sa ‘new normal’, target ng organizers ng Laban ng Lahi Platoon Challenge-Camboayan Sports na makapagtala ng record 100,000 runners sa paglarga ng qualifying run sa Abril.
Ayon kay Joenel Pogoy, founder at organizer ng naturang event, ang kompetisyon ay kakaiba sa nakaugaliang marathon dahil sinamahan nila ng side event na tiyak na kagigiliwan ng mga kalahok.
“Kasama sa side event namin ‘yung pakain sa mga bisita na parang isang piyesta. Maglalagay kami ng mga lamesa sa habang 1 kilometro at pupunuin namin ng litsong baboy at hiwalay na mga
lamesa na puno naman ng litsong pabo,” pahayag ni Pogoy sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes via Zoom.
Ang open competition sa Abril ay tiyak na darayuhin ng platoon runners bukod sa mga local competitors na bubuuin ng 33 runners kung saan may tig-tatlong babaeng miyembro. Tatahakin nila ang 23 kilometrong distansiya nang sabay-sabay na pagtakbo sa inihandang 7 adventure challenges.
Ayok kay Pogoy, sa sandaling may isang miyembro ng platoon na hindi makatapos sa pagtakbo ay papatawan ang koponan ng penalty.
“Kaya ang labanan talaga, team spirits,” sambit ni Pogoy sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB), at PAGCOR.
Idaraos ang qualification challenge sa Abril habang sa Setyembre ang National Finals sa Bislig City at ang Grand Finals ng Lahi Platoon Run Olympics ay sa Disyembre 16-18.
Bukas na ang pagpapatala ng lahok at hinikayat ni Pogoy ang lahat na makilahok sa pambihirang marathon event. EDWIN ROLLON