(Laban sa deep fake) SAMAHAN NG SOCMED NAGPASAKLOLO SA PNP-ACG

DUMULOG sa tanggapan ng Philippine National Police -Anti -Cybercrime Group (PNP-ACG) sa Camp Crame ang Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas (KSMBP) para personal na maghain ng reklamo laban sa mga indibidwal na nasa likod ng deep fake audio ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Noong nakaraang buwan kumalat sa social media ang manipulated audio ng Pangulong Marcos na nagbigay ng utos sa mga sundalo na umaksyon laban sa China.

Sinabi ni Michael Raymond Aragon, Chairman ng KSMBPI, hindi pa mulat ang publiko hinggil sa nasabing teknolohiya ng pamemeke.

“This is a technology na hindi alam ng tao na meron palang ganyan, so napepeke sila then the tendency is to believe but beyond this pamemeke ang sinasabi kong clear and present danger is the technology of imbedded algorithm,” ayon kay Aragon.

Sinabi naman ni Atty. Anna Tan, legal counsel ng KSMBP na gumamit ng artificial technology (AI) ang nasa likod ng deepfake.

“Yung ginagamit ngayon ay artificial technology or AI, gumagawa ng deepfake ng mukha, kunwari sinabi ng presidente, ganitong opisyales na kung sa pangkaraniwang tao maniniwala kayo na siya talaga ang nagsabi,” ayon kay Tan.

Ayon sa grupo, apat hanggang limang indibidwal na ang natukoy nilang na responsable sa pagkalat ng malisyosong audio.

Sinampahan na umano nila ito ng reklamong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code kaugnay sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act.

“Mayroon kaming mga pinangalanan doon sa complaint, but I assure you we have names, we have websites at inaayos na namin ito and we are open to collaborate with any government agencies para maayos,” ayon kay Aragon.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP-ACG sa nasabing deep fake audio.

Natukoy na rin umano ang IP address na ginamit ng uploader na lumalabas na mula sa ibang bansa.

“Actually it’s not a person behind, it is only the IP address kung saan na-upload yung video. So, puwede natin sabihin ‘yan na they are using a proxy server or a virtual private network,” ayon kay PCol . Jay Guillermo, hepe ng PNP-ACG, Cyber-Response Unit.
EUNICE CELARIO