NAKIPAGSANIB-puwersa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa tatlo pang law enforcement agency para linisin ang kani-kanilang hanay na nasa impluwensiya kontra sa ilegal na droga.
Ang nasabing puwersa ay tatawaging “NCR Quad-Intel Force” na kung saan ay kabibilangan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Inamin ni PDEA Director Aaron Aquino, ang paglutang ng “ninja cops” ang isa rin sa dahilan para sa pagbuo ng Quad-Intel Force.
Ipinagmalaki ng Quad-Intel Force na hindi sila magkakaroon ng kompromiso at “zero tolerance” sa lahat ng patuloy na lumalabag sa batas sa ilegal na droga lalo na sa kanilang mga kabaro.
Aniya, malaki ang naging accomplishment ng bawat ahensiya ngunit natatabunan lamang ng mga bulok o tiwali nilang miyembro na iilan lamang.