KUNG iniisip ng duopoly na water distributors na sapat na ang hindi nila paghabol sa desisyong award na idineklara ng Singapore arbitration ay nagkakamali sila.
Maliwanag na may matinding pananagutan sila sa taumbayan on several counts, kasama na riyan ang paniningil ng corporate income tax mula sa taumbayan e hindi naman sila ang pamahalaan at hindi negosyo ng taumbayan ang Maynilad Water Services at Manila Water Inc. Nararapat lamang naman na ang dalawang kompanyang nabanggit ang nagbabayad ng kani-kanilang buwis sa gobyerno dahil sila ang nagnenegosyo at ang taumbayan ay customer lamang nila, ngunit sa halip ay ipinapasa ng dalawang ganid na kompanya ang pagbabayad ng kani-kanilang corporate income tax sa mga mamamayan.
Nilapastangan din nila ang soberaniya ng sambayanan sa pagdedeklarang ang tubig ay kanilang produkto at hindi ng kalikasan at sa pagtatanggal sa karapatan ng pamahalaan ukol sa pagtataas o pagbababa ng presyo ng distribusyon ng tubig na binabayaran ng mga mamamayan.
Hindi rin sapat ang deklarasyon ng dalawang kompanya na pagpayag umano na maamyendahan ang kani-kanilang mga kontrata. Paano mo susukatin ang pahirap sa bawat Filipinong tinamaan ng kanilang trilyon-trilyong pisong pagkaganid at pang-aabuso?
Ang kontrobersiyal na kontrata ay unang pinirmahan noong taong 1997 at ni-renew taong 2009 at magtatapos sa 2037. Ang Manila Water ang nakakopo ng eastern zone ng Metro Manila kasama na ang lalawigan ng Rizal at ang Maynilad naman ang nakakopo ng western zone.
Saan ka naman nakakita ng negosyo na guaranteed ang profit? At anumang kalugihan ay sisingilin sa kani-kanilang customer? Ganyan kadispalinghado ang kontratang ‘yan dahil mismong ‘yang “guaranteed income” rin ay nasasaad umano sa kanilang kontrata sa pamahalaan.
“Assured income, they (Manila Water at Maynilad) lose, we pay,” ang pagbubulgar ng Pangulo.
Higit isang dekada na ring nagbabayad ang bawat kabahayan sa dalawang water concessionaire para sa water treatment na nakasaad sa kanilang monthly billing, ngunit nanatiling mabaho, marumi at nakapagdudulot pa ng mga sakit ang tubig na nagmumula sa mga gripo.
Nararapat lamang naman talagang makulong ang mga nakinabang at may kinalaman sa dispalinghadong kontratang nagbenta at nang-alipin sa mga Filipino. Nahaharap ngayon sa mga kasong economic sabotage, syndicated estafa at plunder ang mga ito, ngunit sa rami ng pera ng mga ito kung saan mismong matataas na mga opisyal ng pamahalaan, mga husgado, mga bayarang politiko at mga taga-media ay nasa bulsa nila ay matindi ang kinakaharap na labanan ng pamahalaan at mamamayan.
Sa labang ito, huwag na huwag kukurap mga kababayan upang hindi manaig ang mga nangongorap na mga bilyonaryo at mga korap na galamay nila. Dapat nilang maramdaman na ito na nga ang panahon ng tunay na pagbabago na naghuhubad sa mga maskara ng mga demonyo at nagpapatalas sa dila ng mga anghel.
Comments are closed.