LABANAN PARA SA SPEAKERSHIP NG KONGRESO

Magkape Muna Tayo Ulit

MUKHANG  painit nang  painit ang labanan sa speakership sa pagpasok ng 18th Congress. Matunog ang mga pa­ngalan nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Leyte Representative-elect Martin Romualdez, Taguig congressman-elect Alan Peter Cayetano at ang dating Speaker Bebot Alvarez na nagwagi muli nitong nakaraang eleksiyon.

Pati ang militanteng grupo sa Kongreso ay sumakay na rin sa isyu at isasabak daw nila si Bayan Muna Party­list Rep. Carlos Zarate bilang House Speaker. Ganern! Talaga naman ang mga militanteng grupo. Walang pinipi­ling isyu. Sige lang nang sige basta malagay lang sa media. Kung kayo ang tatanungin ko? May pag-asa bang manalo si Zarate? Makakakuha ba siya ng botong mayorya sa Kongreso? Nagpapakatotoo lamang ako.

Balik tayo sa seryosong usapan. Sa totoo lang, kung ating ibabalik tanaw ang labanan ng House Speakership, karamihan ay hindi naging kasing dugo ng labanan ngayon nina Velasco, Romualdez, Cayetano at Alvarez. Subali’t habang papalapit na ang pagbubukas ng 18th Congress sa ika-22 ng Hulyo, tila si Velasco at Romualdez na lang ang talagang masa­sabi natin na napipisil na hahawak ng liderato sa mababang kapulungan.

Nguni’t kung ti­ting­nan din natin ang kasaysayan sa labanan ng House Speakership, malaking bagay ang basbas ng Pangulo. Tulad noong panahon ni Cory Aquino, nang sinabi niya na si Ramon Mitra ang nais niyang maging speaker, wala nang kumontra sa ibang miyembro ng Kongreso. Ganu’n din kay Fidel Ramos nang binasbasan niya si Jose De Venecia. Pagkatapos nito ay binasbasan ni Joseph Estrada si Manny Villar at wala ring kumontra. Subali’t nang mapatalsik si Estrada noong EDSA 2, nagsalitan sina Rep. Arnulfo Fuentebella at si Rep. Sonny Belmonte.

Sa administrasyon naman ni Gloria Macapagal Arroyo, nakabalik muli pansumandali si Jose De Venecia hanggang nagkaroon sila ng hindi magandang pagkakaintindihan kay Pangulong Arroyo tungkol sa pamosong ZDE deal. Napatalsik si De Venecia at pinalitan siya ni Prospero Nograles ng Davao City. Nakabalik si Quezon City  Rep. Sonny Belmonte  sa pagpasok ni Pangulong Noynoy Aquino. Ang lahat ng mga speaker na ito ay halos walang  kumontra dahil may basbas ang Pangulo.

Dito lamang sa ikalawang bahagi ng termino ni Pangulong Duterte na medyo matindi ang labanan ng speakership. Noong pagpasok ni Duterte, matunog ang pangalan ni Bebot Alvarez bilang napupusuan ni Pangulong Duterte at ganu’n na nga ang nangyari. Si Pantaleon Alvarez ang ibinotong speaker. Subali’t nasipa siya sa kanyang puwesto dulot ng ma­ling pamamahala at pakikitungo sa mga kapwa niya mambabatas. Ang nakadagdag pa rito ay mahiwagang kamay at impluwensiya ng anak ng ating pangulo, si Davao City Mayor Sarah Duterte.

Sa pagpasok ng ika-18th Congress, sa nangyayaring labanan sa House Speakership, malinaw na may krisis sa leadership ng nasabing Kongreso. Si Rep. Velasco na kilalang malapit sa pamilya Duterte, lalong-lalo na kay Sarah ay nilalabanan sa puwesto ng speakership ni Rep. Romualdez na malapit din sa mga Duterte at kay dating Speaker at Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Isa pa sa umiikot na usapan ay kinukuwestiyon ang experience at leadership qualities ng mga nais maging speaker ng Kongreso. Sa totoo lang malaking bagay ang basbas ng kasalukuyang Pangulo. Subali’t tila pinapakita ni Pangulong Duterte na ayaw niyang makialam sa labanan ng House Speakership. Dito tuloy naguguluhan ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan.

Masakit man sabihin nguni’t ito ang katotohanan sa politika sa Filipinas. Maski na sabihin natin na dapat ay independiyente ang bawa’t sangay ng ating gobyerno, malaking bagay ang may magandang ugnayan at samahan ang Executive at Legislative branches ng ating gobyerno upang umusad ang mga batas at programa ng ating pamahalaan. Hindi natin masyado kailangan ng oposisyon na walang adyenda kung hindi ipakita na palpak ang kasalukuyang pamahalaan.

Nakikiusap ako kay Pangulong Duterte, ang pagbibigay ng basbas sa susunod na  House Speaker ang sagot upang maisulong ninyo at mga programa ninyo sa nananatiling tatlong taon sa inyong termino.

Comments are closed.