HINDI pa man umaarangkada ang inaasahang mainit na kampanyahan para sa mga kandidato sa iba’t-ibang lokal na posisyon, kasado na ang labanan at tukoy na rin sa ngayon kung sino ang mga nag-aasam na maging speaker, na siyang pinakamataas na lider sa Kamara de Representantes.
At maging sa pagkakaroon ng ‘manok’ sa speakership, tila may kompetisyon din diumano sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Bagama’t wala pa namang naihayag si Presidente Duterte hinggil sa kung sino ang kanyang nais na maging speaker, naniniwala si Caloocan City Rep. Egay Erice na ang pagluluklok sa sinuman sa naturang posisyon ay nakasalalay sa suporta o pag-endorso ng Punong Ehekutibo.
“I think the speakership will really be decided by the President after the election,” sabi pa ng Caloocan City lawmaker.
Iba naman ang paniniwala ni House Deputy Minority Leader at Buhay party-list Rep. Lito Atienza kung saan iginiit niyang mas bentahe sa isang aspirante sa speakership ang basbas ng presidential daughter at tumatayong chairperson ng Hugpong ng Pagbabago (HNP).
“Malaki ang impact ng endorsement ni (Mayor) Sara. No doubt, whoever gets the endorsement will have a big edge,” tahasang pahayag ng party-list solon.
Dagdag niya, sakaling may ‘manukin’ si Pangulong Duterte at iba naman ang inindorso ni Mayor Sara, tiyak na mahaharap ito sa matinding laban.
Magugunita na sa campaign rally ng HNP sa Tacloban City noong nakaraang linggo ay ipinakilala ng Davao City lady chief executive si comebacking Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez bilang ‘the next speaker’.
Subalit ilang HNP insiders naman ang nagsabing si Marinduque Rep. Lord Alan Velasco ay nauna nang napupusuan ni Mayor Sara na maging speaker. Karamihan sa HNP campaign rallies ay si Rep. Velasco ang tumatayong tagapagpakilala ng kanilang senatorial candidates at palagiang kasama ng Davao City mayor.
Nagsimulang lumutang ang pangalan ng Marinduque congressman sa ‘speakership post’ nang pangunahan ni Mayor Sara ang ‘ouster-plot’ kay former Speaker at Davao del Norte Rep. Bebot Alvarez.
Kapwa naman umani ng papuri sa kanilang kapwa mambabatas sina Romualdez at Velasco partikular mula kina House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez, Isabela Rep. Rodito Albano, former Speaker at Quezon City Rep. Sonny Belmonte, Erice at Atienza.
Anila, maganda at malinis ang track record ng dalawa at kapwa makatutulong ng malaki sa pagsusulong ng mga mahahalagang programa ng Duterte government kabilang na ang pagsugpo sa katiwalian.
“Surely corruption issue will be very important especially under the Duterte administration. We should elect a Speaker untainted with corruption,” diin ni Atienza kung saan sina Romualdez at Velasco aniya ay “both young and equally qualified to be the next Speaker.”
“During my speakership, he headed the independent minority group yet proved to be supportive and helped me in pushing important measures,” ang pahayag naman ni Belmonte patungkol sa magbabalik na Leyte representative.
“He is a good and brilliant lawyer who never lost a case. He is also fair and a charming gentleman,” ang paglalarawan naman ni Albano kay Romualdez.
Bukod kina Romualdez at Velasco, pinangalan din ang iba pang aspirante sa speakership post na sina former Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano, former Vice President Jejomar Binay, San.Juan City Rep. Ronaldo Zamora, Cavite Rep. Alex Advincula, Cavite Rep. Bambol Tolentino, Malabon Rep. Ricky Sandoval, at Leyte Rep. Lucy Torres. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.