NAREKOBER na rin ng search and retrieval team ang mga labi ng apat na pasahero ng Cessna plane na bumagsak malapit sa crater ng Mayon Volcano sa Albay na may isang Linggo na ang nakakaraan.
Ito ang kinumpirma ni Camalig Mayor Carlos Baldo.
“The Incident Management Team (IMT) now starts to plan the proper handling of bodies, their drop off point, ground security protocols, and turn over to concerned authorities and eventually to the bereaved families,” anang alkalde.
Ayon kay Baldo, pabalik at pababa pa lang ng bulkan ang retrieval team na kumuha sa labi ng 4 na namatay Cessna plane crash.
Nabatid na Sabado pa ng hapon nang makarating ang impormasyong na na-retrieve na ang labi ng mga nasawi.
“Hindi pa sigurado kung darating, kung kakayanin ng retrieval operation team kasi baka exhausted (na sila) kaya iko-coordinate nalang sila,” ani Baldo.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na may kahirapan ang pag-retrieve sa mga labi dahil sa terrain ng bulkan na pinagbagsakan ng eroplano bukod pa sa masamang panahon sa itaas ng bundok.
Kahapon, isang misa na pinangunahan ni Bishop Bong Baylon ng Diocese of Legazpi para sa mga nasawi at sa kaligtasan ng retrieval team.
Sinasabing pahirapan pa rin ang pagbababa sa mga labi dahil kahit maganda ang panahon sa baba ay lagi namang maulap sa itaas ng Bulkang Mayon bukod pa sa madulas umano ang mga bato at buhangin ay madalas na nagkakaroon ng pagdausdos ng lupa bunsod ng ulan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Capt. Rufino James T. Crisostomo Jr., crewman Joel G. Martin kapwa empleyado ng local geothermal firm Energy Development Corporation at ang company’s Australian technical consultants na sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanam.
Nakuha rin sa crash site ang identification cards, cash, wallet, mobile phones at laptop na agad ibinigay sa mga awtoridad para sa forensic assessment.
Magugunitang umaabot sa 700 responders ang tumulong para mahanap ang eroplano Cessna 340 at mga pasahero nito mula nang mawala noong Pebrero 18.
Matatandaan na lumipad ang eroplano mula Bicol International Airport patungong Manila dakong ala- 6:43 ng umaga ng Sabado at ang huling kontak ng air traffic control ay ala- 6:46 ng umaga noong araw din na iyon.
VERLIN RUIZ