LAGUNA- MAKARAAN ang dalawang buwang paghahanap sa 17-anyos, natagpuan na ito subalit isa nang agnas na bangkay sa isang palikuran ng abandonadong bahay sa Barangay Salawag, Dasmarinas city.
Sa pahayag ng Dasmarinas police operatives, isang nagngangalang Nino Jan Allen Yambot, 34-anyos, caretaker ng lumang bahay ang humingi ng assistance sa kanilang tanggapan hinggil sa naaagnas ng bangkay ng isang lalaki na kaniyang nakita sa palikuran ng inaalagaang bahay.
Sa ginawang pagtatanong ng mga pulis sa mga residente sa lugar, nakilala ang bangkay na si Antonio Miguel de Asis, 17, at naiulat na matagal nang nawawala.
Sinabi naman ni Yambot na nagbakasyon siya ng matagal sa probinsiya at nito lang magpa-Pasko siya bumalik.
Sa kagustuhan umano niyang linisin ang naturang bahay naamoy niya ang mabahong bagay na nang suriin niya ay isa palang labi ng tao. ARMAN CAMBE