LABI NG ESTUDYANTE NATAGPUAN SA LAGUNA

STORAGE BOX

HINIHINALANG pinahirapan muna bago brutal na pinatay ng hindi pa mabatid na bilang ng mga salarin ang 24-anyos na estudyante ng Arellano University matapos madiskubre ang naaagnas na bangkay nito habang nakasilid sa isang plastic storage box sa isang bakanteng lote sakop ng Brgy. Canlalay, lungsod ng Biñan kamakalawa ng umaga.

Sinasabing sa pamamagitan ng isang tricycle driver, nadiskubre ang naaagnas na bangkay ng biktima makaraang itapon sa gilid ng kalsada kung saan nakilala ito sa pamamagitan na rin ng kanyang mga identification card na kinilala ni PLt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng pulisya, na si Carl Lawrence Demerey, Arellano University student, residente ng #14 Aerospace St., Ato Village, Brgy. BF Inter CAA, Las Piñas, City.

Sa imbestigasyon, dakong alas-8:00 ng umaga nang madiskubre sa lugar ang bangkay ng biktima habang may takip na kapira-song karton ang pinaglagyan nitong sto­rage plastic box kung saan sapilitang inilagay ito sa loob ng mga suspek habang walang saplot ang iba­ba ng kanyang katawan.

Tadtad ng saksak sa kanyang katawan bukod pa ang mga pasa na tinamo nito sa kanyang ulo at mukha dahilan ng kanyang maagang kamata­yan.

Hinala ng pulisya na pinahirapan at tuluyang pinatay ng hindi pa mabatid na bilang ng mga suspek ang biktima sa isang lugar sa lungsod ng Maynila dalawang araw na ang nakalilipas bago pa ito nagawang itapon sa lugar habang lulan ng isang van.

Samantala, ayon sa nakalap na impormasyon ni Mendoza sa pamilya ng biktima, sinasabing kasalukuyang nagtatrabaho aniya bilang working student ang biktima sa isang call center company sa lungsod ng Pasay bukod pa ang pagiging miyembro umano nito ng isang banda.

Kaugnay nito, dala­wa aniya sa hindi pa mabatid na bilang na grupo ng mga suspek ang itinuturong responsable sa naganap na insidente batay aniya ito sa mga nakalap na kuha sa CCTV sa lugar habang patuloy pa rin ang isinasagawang malalimang imbestigasyon ng mga ito sa kaso at ang tunay na motibo sa naganap na karumal-dumal na pamamaslang. DICK GARAY

Comments are closed.