BUTUAN CITY – PINAGLALAMAYAN na ng kanyang kaanak ang overseas Filipino worker (OFW) na namatay matapos mabundol ng motorsiklo sa Kuwait sa Butuan City.
Napag-alaman na ang 37-anyos na si Mary Joy Tajo ay nabangga ng motorsiklo sa Salmiya, Kuwait noong bisperas ng Bagong Taon, Disyembre 31, 2019.
Bagaman naitakbo ito sa ospital ay nasawi rin bunsod ng pinsalang tinamo.
Nasa ospital naman ang driver ng nakabanggang motorcycle dahil sa natamong mga injury.
Nalaman lamang ng ama ng biktima ang nangyari nang makatanggap ng impormasyon mula sa isa pa nitong anak na isa ring OFW.
Samantala, kukumpirmahin pa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA- Caraga) kung ang biktima ay aktibo pa bang miyembro sa ahensiya upang mabigyan ng tulong pinansiyal ang pamilya nito.
Si Tajo ay supervisor sa fast food chain sa Kuwait kung saan nagsimula siyang magtrabaho bilang OFW noong 2002. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.