LABI NG OFW NA NASAWI SA SAUDI ARABIA DARATING NGAYON

TINIYAK ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tutukan nila ang kaso ng pagkamatay ng OFW na si Jelyn pagdating ng kanyang labi sa Pilipinas.

Ipinangako ni OWWA administrator Arnel Ignacio na tututukan nila ang lahat ng aspeto ng pagdating ng labi ni Jelyn, mula sa paliparan hanggang sa huling hantungan nito sa kanilang tahanan sa Baler,  Aurora.

Ayon kay Ignacio, inasikaso na ng OWWA ang repatriation ng labi ng OFW na inaasahang darating ngayon sa bansa.

Matatandaan, si OFW Jelyn ay na-deploy sa Saudi Arabia noong Hunyo 16 ngunit isang Linggo pa lamang ang lumipas ay ipinaalam na nito sa kanyang asawa ang kanyang nararanasang pagmamaltrato mula sa kanyang mga amo.

Noong Hulyo 29, isang malungkot na ba­lita ang dumating sa kanyang pamilya na si Jelyn ay pumanaw diumano dahil sa “cardiac arrest.”

Plano ng pamilya ni Jelyn na ipa-autopsy ang kanyang labi pagda­ting sa Pilipinas upang malaman ang tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay sa gitna ng kanilang pagdududa sa naiulat na sanhi ng kanyang pagpanaw.

 CRISPIN RIZAL