UPANG matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng Grade 5 student na sinampal umano ng kanyang guro, isasailalim sa histopathology examination ang labi nito.
Ayon kay Dr. Hector Sora, medico legal ng PNP Forensic Group, ngayong linggo ay ilalabas na ang autopsy report sa labi ng biktimang si Francis Jay Gumikib at upang matiyak ang sanhi ng kamatayan nito ay isasailalim na rin ito sa histopathology examination.
Ang Histopath examination ay mas mabusising pagsusuri o microscopic exam sa sample tissue ng katawan ng 14-anyos na biktima upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.
Maaaring sa isang buwan pa malaman ang resulta nito dahil karaniwan ay umaabot ng 30 araw ang resulta ng histopathology examination.
Gayunpaman, sisikapin nilang mapabilis ang resulta nito at kapag lumabas na ay agad na ipapaalam sa Antipolo City Police.
Si Gumikib ay nasampal umano ng kanyang titser sa Penafrancia Spring Valley Elementary School sa Brgy. Cupang nitong Setyembre 20 at umuwing dumaraing na masakit ang ulo at tainga.
Setyembre 26 nang dalhin ito sa Amang Rodriguez Hospital sa Marikina kung saan ito na-coma at Oktubre 2 ng umaga ay pumanaw na.
EUNICE CELARIO