KINALAMPAG ng isang ranking official ng Kamara ang pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para bantayan ang umano’y sobra-sobrang paggamit ng plastic packaging partikular sa hanay ng mga online seller at trader.
Ayon kay House Committee on Approriations Vice-Chairman at Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon, sa kabila ng pahayag ng nasabing ahensiya na malapit ng ipagbawal ang paggamit ng plastic straws at stirrers sa bansa, tila wala namang habas sa pagkonsumo ng plastic ang ibang negosyante lalo na sa packaging ng iba’t-ibang produkto ng mga ito.
“The new normal has made online shopping the norm. But the amount of plastic waste is worrying,” pahayag ng mambabatas, na miyembro rin ng House Committee on Ecology.
Ikinuwento ng Muntinlupa City lawmaker ang pagbili nila, sa pamamagitan ng online, ng isang small pack ng LED strip light connectors kung saan nang i-deliver ito ay inilagay sa loob ng malaking plastic pouch, na sa pagtaya niya ay halos sampung beses diumano ang laki kumpara sa mismong packaging ng kanyang binili.
Kaya naman naisip ni Biazon na kung sa kagaya niya na oversized ang plastic packaging sa kanyang isang online transaction, animo’y gabundok na basurang plastic ang maaaring maipon kada araw lalo’t mayroong naitala ang isang kilalang online selling platform na nakapagbenta umano ito ng 2 million items sa unang oras pa lamang ng 11.11. sales promo nito.
Isa rin sa pinuna ng mambabatas ang paggamit ng bubble wrap at plastic tape sa bawat package na binili sa pamamagitan internet at idini-deliver ng hiwalay na courier firm.
Giit ni Biazon, ang American e-commerce site na Amazon ay hindi gumagamit ng bubble wrap o sobra-sobrang plastic tape at sa halip ay inilalagay sa hardboard boxes ang produktong binili at ipinapadeliber sa customers nito.
“If courier services handle goods and packages with proper care, then would not be a need for sellers to use too much bubble or plastic wrapping just to secure the items they are shipping to their buyers,” pagbibigay-diin ng kongresista.
Si Biazon ay naunang naghain ng House Bill No. 546, na nagsusulong para sa tuluyang pagbabawal sa paggamit ng ‘single use plastics’ kung saan nais din niyang magkaroon ng kaukulang regulasyon sa paggamit ng plastic packaging kasama ang pagpapanagot sa courier services sa maling handling ng packages na ipinapadeliber dito. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.