LABOR AGREEMENT SA KUWAIT REREPASUHIN

IPINAG-UTOS ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots Ople na repasuhin ang mga labor agreements sa ibang bansa partikular sa Kuwait kasunod ng sinapit ni Jullebee Ranara na pinatay at sinunog ng kanyang amo.

“Ang direktiba ni Secretary Toots ay napapanahon nang irepaso, to revisit, review itong bilateral labor agreement na ito at paigtingin ang proteksiyon sa mga OFWs (overseas Filipino workers),” ayon kay DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac.

Dumating sa bansa ang mga labi ng pinaslang na Kuwait-based OFW na si Ranara noong Biyernes ng gabi.

Bukod sa bilateral labor agreement, titingnan din ng DMW ang proseso ng recruitment at mga pamantayan sa hangaring magbigay ng higit na proteksyon para sa mga manggagawa sa ibang bansa.

“Sabay-sabay nito ay pinatitingnan din ni Secretary Toots iyong recruitment standards para paigtingin iyong safe and ethical recruitments standards para sa mga OFWs to Kuwait na masiguro natin, halimbawa, iyong mga ahensyang may malinis na track records lamang ang makakapag-deploy ng mga OFWs to Kuwait” sabi ni Cacdac.

“So, mayroon ngayong direktiba na tingnan din, suriin din ang sistema ng pagri-recruit para mas lalong protektado ang mga OFWs to Kuwait,” dagdag pa ng DMW official.

Ang bilateral labor agreement, na nilagdaan noong 2018, ay nag-expire noong Mayo 2022 at awtomatikong na-renew dahil sa automatic renewal clause, ayon sa DMW undersecretary.

Sinabi ni Cacdac na mayroong 268,000 Pilipino sa Kuwait, kung saan 195,000 ang nagtatrabaho bilang domestic workers.

Nagsusumikap din ang DMW sa pagbibigay ng tulong para sa pamilya ni Ranara.

“Ipinag-utos na rin ni Secretary Toots ang agarang pagbibigay ng tulong sa mga naiwan in terms of entitlements nila under the OWWA (Overseas Workers Welfare Administration), and under mandatory insurance proceeds para matulungan na po ang iyong pamilya ni Jullebee Ranara,” ani Cacdac.

Sinabi ni Cacdac na nangako ang gobyerno ng Kuwait na mabibigyan ng hustisya ang pamilya ng OFW.
EVELYN QUIROZ