LABOR ATTACHÉS NG CANADA PINAUUWI

Sec Silvestre Bello III

MASUSI nang pinag-aaralan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapauwi sa bansa ng Philippine labor attachés sa Canada.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, bunsod ito ng hindi pa nareresolbang usa­pin sa basura.

Sinabi ng kalihim na kung hindi pa rin maaayos ang relasyon ng Filipinas sa Canada ay maaaring magdesisyon na siya kung pauuwiin ang mga la-bor attaché sa Vancouver at Toronto.

“If our relationship with Canada won’t improve, I might decide to recall our labor attaché, those heading our POLO office in Vancouver and Toron-to,”  ani Bello, sa panayam sa radyo.

Kumbinsido rin naman si Bello na hindi dapat na magpadalus-dalos at kailangang pag-aralang munang mabuti ang naturang hakbang.

Ang pahayag ay ginawa ni Bello, kasunod na rin nang naunang pag-recall sa ambassador at mga consul sa Ca­nada dahil umano sa hindi pa rin pag-tupad ng pamahalaan ng Canada na maibalik na sa kanilang bansa ang mga ba­surang dinala sa Pinas.

Nilinaw naman ni Bello na hindi lamang ito usapin ng basura kundi natatapakan dito ang karangalan ng Filipinas.

Giit niya, maituturing na pambabastos ang paggawang basurahan sa Filipinas.

Isinisi rin naman ng kalihim sa dating administrasyon ang pangyayaring hinayaan na lamang  bagsakan ng ba­sura ang bansa.

“Ewan ko kung anong nangyari kung bakit pinayagan ng dating administrasyon kung sino mang administrasyon ‘yon,” aniya.

Tiniyak rin ni Bello na hindi maapektuhan ng isyu ang mga Pinoy sa Canada, maging ang mga dati nang naroroon o mga nakatakda pang magtungo doon.

Natukoy na sa kasaluku­yan ay nasa 800, 000 Pinoy ang nagtatrabaho at naninirahan sa Ca­nada.     ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.