LABOR CASE NA P1.4-M NG 34 WORKERS, NARESOLBA NG DOLE

Labor Undersecretary Joel Maglunsod

SA pamamagitan ng serye ng mga mediation at conciliation conference, naresolba ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang labor dispute na may monetary benefit na aabot sa kabuuang P1.4 milyong para sa 34 na manggagawa.

Ayon kay Labor Undersecretary Joel Maglunsod, ang epektibong pagpapatupad ng mga programa para sa Labor Management Cooperation (LMC) ang nagresulta sa agarang pagkakalutas ng mga kaso at hindi pagkakaunawaan.

Mula sa kabuuang benepisyo, 11 manggagawa mula sa  isang clothing manufacturing company na matatagpuan sa Caloocan City ang pumayag na bayaran ang P716,000 halaga ng mga benepisyo.

Sa kabilang dako, may kabuuang P665,651 naman ang natanggap ng 23 ­manggagawa mula sa isang general merchandise company na matatagpuan sa Recto Ave., Tondo, Manila.

Ang mga manggagawa sa parehong kompanya ay nagreklamo makaraang lumabag ang kanilang mga employer sa mga batas paggawa tulad ng underpayment ng suweldo, hindi pagbabayad ng 13th-month pay, holiday pay, overtime pay, at night shift differential. Hindi rin nakatatanggap ng kanilang service incentive leave ang mga manggagawa.

Nagsumite ang mga manggagawa sa labor department ng iginigiit nilang kompyutasyon ng kanilang suweldo at iba pang mga benepisyo, habang tinanggap ito ng employer at nag-alok ng kanilang counter-proposal para sa mga manggagawa.

Matapos ang serye ng mandatory conference sa tulong ni Atty. Amy Enriquez mula sa opisina ni Undersecretary Maglunsod, nagkasundo ang mga manggagawa na tanggapin na ang alok ng management bilang kabuuang kabayaran para sa kanilang reklamo habang bawat isang empleyado ay pumirma ng kanilang quit claim and release. PAUL ROLDAN

Comments are closed.