LABOR DAY PROTEST TUTUTUKAN NG AFP AT PNP

INILAGAY na sa radar ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police ang nakaambang Labor Day protest na tiyak na pangungunahan ng Kilusang Mayo Uno, Bayan Muna at iba’t ibang militanteng organisasyon at mga grupong hinihinalang prente ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Ngayon pa lamang ay inalerto na ni PNP chief P/General Oscar Albayalde ang kanilang puwersa na tutukan ang seguridad sa Araw ng Paggawa  sa Mayo 1.

Nabatid na maging ang AFP Joint Task Force NCR ang nagkakasa ng sapat na puwersa na maaring umayuda sa PNP kung kakaila­nganin.

Kaugnay nito nagbabala naman si PNP National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Maj. Gen. Guillermo Eleazar sa hanay ng mga raliyista sa Labor Day na i-police ang kanilang hanay at huwag hayaang mapasukan sila ng mga manggugulo o agitators.

Paalala pa ni Gen. Eleazar na huwag ma­ging dahilan ng mabigat na daloy ng trapiko ang ikinakasang mga kilos protestta ng mga militanteng grupo.

Ipinag utos ni Director  Eleazar ang pagpapatupad ng maximum tolerance sa hanay ng mga raliyista subalit inihayag nito na nakahanda ang kanilang Civil Disturbance Management Unit na rumesponde sakaling magkaroon ng kaguluhan.

Ayon kay  Eleazar,  karapatan ng nasabing mga grupo na maghayag ng kanilang saloobin sa ilang labor issues pero hindi ito dahilan para pagmulan sila ng mga kaguluhan.

Nabatid pa na  may mga grupong naki­pag-coordinate na sa NCRPO para sa mga gagawing kilos-protesta pero inaasahan nila na marami rin ang gagawa ng mga hiwalay na pagkilos.

Kabilang sa mga lugar na tutukan ng pulisya  ang Liwasang Bonifacio, Plaza Miranda, Aurora Boulevard at Welcome Rotonda.     VERLIN RUIZ

Comments are closed.