INALMAHAN ng iba’t ibang labor organization ang ipinanukalang P20 minimum wage hike ng mga employer sa Kalakhang Maynila na lubhang malayo sa proposed P334 increase ng Trade Union Congress of the Philippine para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Ayon sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), walang kabuluhan ang dagdag na P20 sa arawang sahod ng mga mangagawa na sadsad na ang purchasing power bunsod ng tuloy-tuloy na pagsikad ng inflation.
Ang nasabing tugon ng hanay ng mga militanteng organisasyon ng mga obrero ay kasunod ng naging kasunduan ng mga employer na sapat lamang ang P20 na dagdag pasahod sa mga minimum wage earners sa Metro Manila.
Ayon sa Employers Confederation of the Philippines (Ecop), na kapag tataasan pa ang P20 na dagdag sahod ay mahaharap sila sa malaking problema gaya ng pagsasara ng kanilang negosyo at pagtaas ng presyo ng kanilang produkto.
Ang nasabing dagdag sahod ay siyang napagkasunduan sa pangalawang consultation meeting ng Regional Tripartite Wage and Productivitiy Board.
“Medyo demeaning ‘yung ino-offer ng ECOP dahil alam naman natin ‘yang mga negosyante na ‘yan, matagal na silang kumikita,” ayon naman kay Alan Tanjusay, taga- pagsalita ng ALU-TUCP.
Pinabulaanan din ni Tanjusay na malulugi ang mga kapitalista at nanindigan sa kanilang kompyutasyon na ibinase umano ng grupo sa government data.
Nakatakdang magharap ang hanay ng mga employer at labor leaders ngayong Biyernes upang talakayin ang dapat na ipatupad na minimum wage hike sa gaganaping final consultation ng National Wages and Productivity Commission.
Kaugnay nito inihayag ni NWPC director Maria Criselda Sy, na: “Maaasahan ninyo na magiging patas ang gagawing pag-a-analyze ng board diyan.”
Magugunitang nitong Lunes inihirit ng TUCP ang P334 umento sa sahod ng mga minimum wage worker sa Metro Manila dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo. VERLIN RUIZ
Comments are closed.