SINUSPINDE ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagsasagawa ng labor inspection sa lahat ng establisimiyento ngayong panahon ng Kapaskuhan upang maiwasan na tumanggap ng suhol ang mga inspector sa mga panahong ito.
Inatasan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III sa kanyang administrative order ang lahat ng DOLE regional office na sinuspinde ang lahat ng gawain ukol sa inspeksiyon sa lugar na kanilang nasasakupan mula Disyembre 15 hanggang Enero 15, 2019.
“Tungkulin natin na tiyakin ang patuloy na pagiging epektibo ng DOLE sa pagpapatupad ng batas paggawa at patakaran at pagtataguyod sa integridad ng ating mga gawain sa inspeksiyon sa paggawa, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan kung saan mataas ang pagkakataon na masuhulan o mapagbintangan,” ani Bello.
Gagamitin ang panahon ng suspensiyon para sa pagsasaayos ng mga hindi pa napagpapasiyahan na kaso ukol sa Labor Standard at paghahanda ng labor laws compliance program ng departamento para sa susunod na taon.
Gayunpaman, hindi sakop ng suspensiyon ang compliant inspections, technical safety inspections, at Occupational Safety and Health Standards (OSHS) investigation, gayundin ang mga establisimiyentong nangangailangan ng agarang inspeksiyon ayon sa utos ni Labor Secretary.
Dagdag dito, tiniyak ni Bello na sa pagtatapos ng taon, ia-upload ng mga regional director sa Management Information Sytem ang consolidated result ng lahat ng inspeksiyon na isinagawa upang higit na maisaayos at mapabuti ang labor laws compliance monitoring program sa 2019.
Nitong Setyembre 2018, ang kampanya ng DOLE laban sa ilegal na kontraktuwalisasyon ay nag-resulta ng pag-regular ng 342,467 manggagawa kung saan 254,452 manggagawa ang boluntaryong na-regular ng kanilang employer habang ang 88,015 ay na-regular sa pamamagitan ng inspeksiyon.
May 134,263 establisimiyento ang nainspeksiyon ng DOLE sa buong bansa sakop ang 8.306 milyon. PAUL ROLDAN
Comments are closed.