LABOR INSPECTION TIGIL MUNA NGAYONG DISYEMBRE

Labor Secretary Silvestre Bello III-a

HINDI muna magsasagawa ng inspeksiyon ang Department of Labor and Employment  (DOLE) ngayong buwan upang matapos ang lahat ng nakabimbing labor standards cases at mapaghandaan ang inspection program sa susunod na taon.

Sa Administrative Order No. 495, Series of 2019, inatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang lahat ng regional directors ng ahensiya na itigil muna ang lahat ng labor inspection activities sa kani-kanilang lugar.

Hindi naman sakop ng kautusan ang complaint inspections,  occupational safety and health standards (OSHS) investigations, technical safety inspections tulad ng pag-iinspeksiyon sa  boilers, pressure vessels, mechanical at electrical installation at inspeksiyon sa anumang establisimiyento o industriya.

Ang routine inspection ay ibabalik ng DOLE sa sandaling mailabas ang 2020 General  Authority for Labor Inspectors.

Sa panahon ng suspensiyon, inaatasan ang DOLE regional directors na tiyakin na ang lahat ng resulta ng inspection activities ay uploaded sa   Management Information System (MIS) bago matapos ang 2019.

Ipinag-utos din ni Bello ang pagsasagawa ng audit sa lahat ng mobile gadgets na ginagamit sa pag-iinspeksiyon para matiyak na lahat ng resulta ng inspeksiyon ngayong taon ay naka-upload  at ang mga naisyung mobile  gadgets  ay maayos na ginagamit.   PILIPINO Mirror Reportorial Team