LABOR PACT NG RUSSIA AT DOLE MALAPIT NANG MAISAPINAL

Silvestre Bello III

MALAPIT na ring maisapinal ang bilateral labor agreement (BLA) ng pamahalaan at ng Moscow, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

“Kampante kami na ang BLA sa Moscow ay maisasapinal na kasunod ng aming tungkulin na magbigay ng proteksiyon at suporta sa overseas Fili-pino workers (OFWs)  dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng demand sa ­ating mga manggagawa sa nasabing bansa,” wika ni Bello.

Sinabi niya na ang parehong bansa ay nais nang malagdaan ang BLA sa gitna ng pa­ngangailangan ng Russia para sa mga skilled at semi-skilled na manggagawa, ayon na rin sa ulat ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Berlin, Germany.

Dagdag pa rito, inam­yendahan na rin ng Moscow ang batas nito kaugnay sa local employment ng local skilled workers upang makapasok ang mga da­yuhang manggagawa.

Noong Setyembre ng nakaraang taon, inatasan ni Bello ang labor office sa Berlin upang ipaabot ang serbisyo sa mga OFW sa Russia at magkaroon ng BLA sa Moscow.

Samantala, sa nasa 1,000 OFWs sa Russia, karamihan ay household service workers, ang nagparehistro para sa membership sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Nagdaos  ang Philippine Embassy sa Moscow ng isang outreach program upang mahikayat ang mga OFW na magparehistro o mag- renew ng ka-nilang mga membership sa OWWA.

Sa ulat ni Labor Attaché Delmer Cruz ng POLO Berlin, karamihan sa mga OFW sa Russia ay direktang lumipat mula sa Hong Kong at Dubai.

Nakatakdang magkaroon ng bagong outreach mission para sa mga OFW ang Philippine embassy sa susunod na buwan. PAUL ROLDAN

Comments are closed.