LABOR RELATIONS COMMISSION PARA SA OFWs DAPAT MAITATAG

FORWARD NOW

ISANG panukalang batas ang inihain natin sa Kamara para isulong ang pagbuo ng hiwalay na ahensiya na hahawak sa mga kaso sa paggawa na kinasasangkutan ng ating mga OFW sa ibayong dagat.

Panahon na para lumikha ng ahensiyang ipapalit sa National Labor Relations Commission (NLRC) kapag OFWs ang pinag-uusapan para matiyak at sadyang nakadisenyo para tumugon sa sunod-sunod at dumaraming komplikadong kaso na kinakaharap ng mga manggagawang Filipino sa ibang bansa.

Noong ika-21 ng Oktubre ay ating inihain ang House Bill No. 5171 na layong maitatag ang Overseas Labor Relations Commission (OLRC) na dapat eksklusibo at may sapat na kapangyarihan sa lahat ng kasong may kinalaman sa employer-employee relations, dokumentado o hindi dokumentadong manggagawa, na maninindigan o aaksiyon na naaayon sa anumang batas o kontratang kinasasangkutan ng mga Filipinong manggagawa para magtrabaho sa abroad.

Hindi lilikhain ang ahensiyang ito para subukang magpatupad ng “one size fits all” approach sa paghawak ng mga reklamo ng OFW dahil ang ibang bansa ay may kani-kaniyang sensitibong karapatan sa kanilang soberenya na gaya rin sa atin.

Suportado natin ang anumang panukalang batas na makatutulong sa kapakanan ng mga OFW, na pangunahing sektor na may malaking ambag sa ekonomiya ng bansa – dapat maipasa nang wala ng maraming tanong. Ang hiwalay na labor relations commission para sa OFWs ay titiyakin na ang bawat migrant workers na may suliranin sa paggawa ay mabibigyan ng atensiyon at mabibigyan ng ayuda.

Sa ilalim ng House Bill, ang OLRC ay mayroong tatlong dibisyon, ang bawat isa ay pamumunuan ng Presiding Commissioner mula sa public sector at isang miyembro mula sa mga nominado ng migrant workers at ng “self-regulating organizations” ng private recruitment and manning agencies.  Magkakaroon din ng sampung (10) Overseas Labor Arbiters para sa Arbitration Branch sa National Capital Region at tatlong (3) Regional Arbitration Branches sa lugar na may naitala na limampung (50) kaso na kinasasangkutan ng OFW sa loob ng isang taon.

Ang House Bill No. 5171 ay naglalayon ding mapalakas ang “Foreign Employment Practice Liability Insurance fund, magkaroon ng mas pinahusay na pagsasanay para sa overseas labor officers at attachés at paggawa ng mga patakaran para sa pagkuha ng mga abo­gado sa host countries upang matulungan ang OFWs.”

Comments are closed.