LABOR STANDARDS PASOK SA WORKING SENIORS, PWDS

Benjo Santos Benavidez

NAGPAALALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa pribadong sektor na ibigay sa kanilang mga senior citizen at differently-abled na manggagawa ang patas na suweldo at benepisyo.

Ginawa ni Labor Assistant Secretary Benjo Santos Benavidez ang abiso kasunod ng mga lumabas na larawan sa iba’t ibang social media sites tulad ng Facebook ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) na nagtatrabaho sa mga fast food chain at restaurants sa Metro Manila.

Sa industriya ng fast-food, sinabi niya na ang four-hour work scheme ng mga senior citizen at PWDs ay dapat na alinsunod sa minimum wage law habang ang pagtatrabaho ng higit sa walong oras ay dapat na bayaran ng karampatang overtime pay.

Dagdag pa niya, ang pamahalaan ay mayroon ding mga polisiya na nagpapalaganap ng patas na oportunidad sa trabaho sa kabila ng kanilang kasarian, abilidad, at edad tulad ng Anti-Age Discrimination law na mahigpit na nagbabawal sa sinumang employer na mag-discriminate ng isang tao sa trabaho dahil lamang sa kanilang edad.

Pahayag pa ng DOLE senior official na pinapayagan lamang ang mga employer, sa ilalim ng batas, na magtakda ng age limitation sa pagtanggap ng manggagawa kung bonafide na kasanayan ang kina-kailangan sa trabaho. PAUL ROLDAN