MAYNILA – INABOT ng kamalasan ang isang Obrero matapos na mahulog mula sa ika-23 palapag ng ginagawang condominium at tinamaan pa ng bakal sa ulo na tuluyang nagresulta sa kanyang agarang kamatayan sa Sampaloc.
Dead on the spot ang biktimang nakilalang si Jumar Sanchez, 24-anyos, ng Tanauan St., Darangan, Binangonan, Rizal dahil sa matinding pinsala sa katawan.
Ayon kay PLt. Colonel Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Police Station 4, dakong alas-10:30 kahapon ng umaga nang naganap ang insidente sa ginagawang condominium sa panulukan ng Moret St., at Espana Blvd., Sampaloc, Manila.
Nabatid na nasa ika-23 na palapag ang biktima nang matapakan at kumalas ang isang andamyo dahilan para mahulog ang biktima kasama ang bakal sa harap ng ginagawang condominium sa tabi ng bunton ng buhangin.
Inaalam pa ng pulisya kung bakit nakalas at bumagsak ang bakal. Iimbestigahan din kung may pananagutan ang construction company dahil sa kawalan ng safety nets para sa mga bumabagsak na debris.
Inaalam naman kung may dapat na managot sa nasabing insidente habang ang bangkay ng biktima ay dinala sa Archangel Funeral para sa awtopsiya at safekeeping. PAUL ROLDAN
Comments are closed.