MATAPOS ang makasaysayang championship run sa National University (NU) Lady Bulldogs, aakyat na si middle blocker Ivy Lacsina sa professional ranks.
Nitong Biyernes ay sinorpresa ng F2 Logistics Cargo Movers ang volleyball fans sa social media sa pag-welcome kay Lacsina sa kanilang koponan.
Ang hakbang na ito ay nangangahulugan na iiwan na ni Lacsina ang NU at ang UAAP makaraang walisin ang Season 84 ng women’s volleyball tungo sa kanilang unang kampeonato sa loob ng ilang dekada sa collegiate level.
Si Lacsina ay naging instrumento sa 16-0 run ng NU, binantayan ang net para sa kanyang koponan, bukod sa kanyang deadly running attacks.
Samantala, palalakasin ng F2 ang kanilang lineup makaraang mag-leave of absence sa PVL Invitational Conference.
Ang F2 Logistics ay pinangungunahan ni multi-titled coach Ramil de Jesus, na ginabayan ang De La Salle University sa isa pang finals appearance sa collegiate ranks.
Gayunman ay nagkasya sila sa silver makaraang matalo kay Lacsina at sa iba pa sa Lady Bulldogs.