LACSON, DRILON HADLANG SA MGA REPORMA NI DIGONG – HOUSE LEADERS

LACSON-DRILON

TINAWAG  na mga  ‘obstructionist’ o mga hadlang sa mga repormang nais ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ginagawang pagbatikos nang walang basehan nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Panfilo Lacson sa ipinasa ng Kamara de Representante na  national budget para sa 2020, ayon sa ilang lider ng Kongreso.

Pahayag ni Deputy Speaker Henry Oaminal, kinatawan ng 2nd district ng  Misamis Occidental, na may panahon naman para kilatisin ng Senado ang 2020 budget na ipinasa ng Kamara, kaya hindi dapat na magsabi ng kung ano-anong pahayag sina Lacson at Drilon na hindi naman nila kayang patunayan.

“Hindi pa man naita-transmit sa kanila ang Ge­neral Appropriations Bill (GAB) na naglalalaman ng panukalang national budget para sa 2020, panay na ang mga puna nina Senador Drilon at Lacson sa naipasang bill ng Kamara. Nasaan ang basehan nila sa mga sinasabi nilang kuwestiyonableng mga probisyon sa badyet gayong hindi pa naman nakararating ang dokumento sa kanila?” ani Oaminal na mula sa Mindanao bloc ng Kongreso.

Ayon kay Oaminal, ang GAB na ipinasa ng Kamara ay tumutugon sa mga repormang gustong maipatupad ng Pangulong Duterte kaya walang dapat ikabahala  tungkol sa ‘pork’, ‘parking ng pondo’ o ‘insertions’ sa budget.

Tinutukoy ni Oaminal ang naging pahayag nina Drilon at Lacson kamakailan tungkol sa diumano ay pagbabantay nila sa mga maanomalya umanong mga pagbabago na ginawa ng Kamara sa GAB para sa 2020 dahil sa pagkakaroon ng ‘small committee’ para tanggapin ang amendments sa panukalang ito.

Pinagtawanan naman ni Deputy Speaker Deogracias Victor Savellano ng 1st district ng Ilocos Sur ang sinabi ni Drilon tungkol sa umano’y pagbabantay nito laban sa ‘pork’  na maaaring isingit sa national budget dahil kung maaalala noon ay may nagsampa  pa nga ng kaso laban kay Drilon  sa  Ombudsman dahil sa overpriced diumano na Iloilo Convention Center kung saan ibinuhos ni Drilon ang P200 million ng kanyang Priority Deve­lopment Assistance Fund (PDAF) o pork barrel noong 2013 para sa pagpapatayo nito.

“Ito ‘yung panahon na ang tawag pa sa pork barrel ni Drilon ay Priority Deve­lopment Assistance Fund (PDAF) na idineklara ng Korte Supreme na unconstitutional,” ani Savellano. “Ang hiling ko lang kay Senator Drilon, sana ay magkaroon naman tayo ng respeto sa isa’t isa at huwag kaming hatulan nang wala naman basehan dahil baka bumalik lang sa iyo ang mga batikos mo.”

Hiniling naman ni Savellano kay Lacson na huwag gamitin ang Kamara para magpapogi sa publiko at pabanguhin ang pangalan niya para sa dara­ting na eleksiyon.

“Maghanap na lang siya ng isang valid issue na kakagatin ng publiko. Huwag niyang idamay ang  institusyon ng Kamara para sa pagpapapogi niya,” dagdag pa ni Savellano.

Ayon naman kay Deputy Speaker Pablo John Garcia ng 3rd district, Cebu, walang bago sa pagbubuo ng isang small committee para talakayin ang  amendments sa national budget.

Tulad nga ng naipaliwanag na ni Albay Rep. Joey Salceda na isang beteranong mambabatas at senior vice chairperson ng House appropriations committee, ito ang naging tradis­yon noon pa man.

Hindi naman ito basta binuo lamang kundi napagdesisyunan sa plenaryo para maging maayos ang proseso lalo na’t may 300 kongresista ang dapat dinggin para maging pinal ang amendments, ayon kay Garcia.

“Ang hiling sana namin sa aming mga kapwa mambabatas ay huwag kalimutan ang interparliamentary courtesy. Hayaan ninyo muna kaming magtrabaho sa Kamara at hintayin ang final version na ita-transmit sa Senado bago kayo manira at bumatikos,” ani Garcia.

Nanawagan si Garcia na maging ‘constructive’ sana ang pagpuna ng Senado sa trabaho ng Kongreso, at hindi ‘yung mga batikos na ang layunin ay sirain ang imahe nito.

“Walang tinatago, walang dinadagdag o binabawas sa national budget. Ang tanging bilin sa amin ni Speaker Alan (Peter Cayetano) ay siguradu­hing ang budget ay epektibong makatutugon sa mga repormang ipinatutupad ng ating Pangulong Digong,” dagdag pa niya.

Comments are closed.