LACSON MULING NANAWAGAN: BUDGET BANTAYAN SA ‘PORK’

Panfilo Lacson

MULING nanawagan si Senador Panfilo Lacson sa publiko na tumulong sa pagbabantay sa gagawing deliberasyon ng Lehislatura sa mahigit P4 trilyong panukalang badyet para sa 2020.

Layon nito na hindi na makalusot ang pork barrel at ang mga walang kabuluhang alokasyon na taon-taon na lamang ay isinisingit ng mga tiwaling mambabatas at opisyal.

“Any technical support from the outside will certainly help in our scrutiny of the 2020 budget books,” ani Lacson.

Bilang nangunguna sa kampanya laban sa katiwalian at pork  barrel sa national budget, isiniwalat ni Lacson na malaki ang maitutulong kung sasamahan siya ng publiko sa pagsuri sa mga pondong inilalaan sa mga proyekto.

“This is taxpayers’ money we are talking about. We should not allow a greedy few to lay their grubby hands on it, to put it mildly,” giit ng senador.

Magugunitang dumaan sa butas ng  kara­yom na naging sanhi ng matinding pagkaantala ang 2019 national budget dahil sa mga nakasuksok na pork barrel sa iba’t ibang pondo, kaya’t sa tulong ng publiko ay maaga umanong madi­diskubre ang mga ito at ‘di na magtatagal pa sa Lehislatura.

“Budget deliberation starts this week in the 18th Congress. It is time to play another protracted game of ‘hide-and-seek’: they hide, we seek,” ayon kay Lacson.

Noong Abril 15 ay  nalagdaan ang 2019 national budget matapos na i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa P93.5 bilyon na alokas­yon sa mga kuwestiyonableng pagkakagastusan na una nang nadiskubre ni Lacson.

Kaya’t nitong Hulyo, inihain ni Lacson ang Senate Bill 24 na naglalayong isabatas na ang partisipasyon ng publiko sa pag-talakay ng Kongreso sa pambansang gastusin. VICKY CERVALES

Comments are closed.