LACSON-SOTTO PANALO SA VISAYAS

PINATUNAYAN ng tatlong araw na pag-iikot ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at running mate niya na si Nationalist People’s Coalition (NPC) chairman at vice presidentiable Vicente “Tito” Sotto III sa Visayas ang malakas at mainit na pagtanggap ng mga tao sa kanilang tambalan.

Mula Biyernes hanggang Linggo, magkakasunod na dumalaw sina Lacson at Sotto sa Cebu, Negros Oriental, at Northern Samar para makipagdiyalogo sa iba’t ibang mga sektor at lokal na opisyal ng pamahalaan upang malaman ang kanilang mga problema na maaaring masolusyonan kahit ngayong nasa Senado pa sila at hindi pa nahahalal na susunod na lider ng bansa.

Kabilang sa mga tinungo ng Lacson-Sotto tandem at mga senatoriables na sina Dra. Minguita Padilla at Guillermo Eleazar ay ang lalawigan ng Cebu na balwarte ng mga Garcia kung saan, ang mga ito ay nakatanggap ng tiyak na suporta buhat sa negosyanteng si Winston Garcia.

“Talaga namang mukhang nakuha na ng Lacson-Sotto tandem ang Cebu dahil narinig mismo natin na nagsabi si Wins­ton Fiel Garcia na susuportahan ang tambalan nila,” banggit pa ni Partido Reporma treasurer Arnel Ty matapos ang pakikipagpulong ni Garcia sa Lacson-Sotto tandem.

Halos ganito rin ang naging sitwasyon sa Negros Oriental dahil mismong si Sotto ang nagsabing si Lacson na ang magiging opisyal na kandidato sa pagkapa­ngulo ng kanyang partido sa buong lalawigan, sa isang press conference sa Dumaguete City.

“I, as national chairman, and Chiquiting Sagarbarria as the provincial chairman—we already informed our party mates that in Negros Oriental we are endorsing Senator Ping Lacson as our presidential candidate,” ayon kay Sotto.

Nakatitiyak naman si National Unity Party (NUP) chairman at dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ro­naldo Puno na masusungkit nila ang lalawigan ng Samar bilang balwarte ng kanyang partido.

Si Puno na batikang political strategist ang campaign manager ng Lacson-Sotto tandem habang si dating House Speaker at Davao Del Norte Congressman Pantaleon “Bebot” Alvarez ang namumuno sa Partido Reporma na kinaaniban ni Lacson bilang chairman.

Ayon naman kay Lacson, tagumpay ang kanilang pakikipagpulong sa iba’t ibang sektor at LGU dahil sa magandang programa na kanilang inihain. Aniya, “They are very receptive doon sa aming platform, especially ‘yung empowerment ng local government units because, after all, they are based here, so sila rin ‘yung—magiging partners sila sa development and other livelihood programs.”

Sa mga ginanap na mga “Online Kumustahan” sa tatlong lalawigan, nilatag ng Lacson-Sotto tandem ang kanilang isinusulong na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program na layuning maibaba sa mga local government unit (LGU) ang pondo ng national government upang magkaroon ng tyansa ang mga lokal na opisyal na maipatupad ang kanilang mga programa na nakaangkla batay sa kanilang mga pangangaila­ngan at prayoridad.